Cebu Pacific, tinaguriang ‘strongest ASEAN airline’ ng Brand Finance
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-21 23:30:33
NOBYEMBRE 21, 2025 —Kinilala ang Cebu Pacific, ang pangunahing airline ng Pilipinas, bilang pinakamalakas na airline brand sa buong ASEAN ng Brand Finance, na nagpapakita ng pagtitiwala ng mga manlalakbay at ng reputasyon ng airline sa halaga, pagiging maaasahan, at inobasyon.
Ayon kay Candice Iyog, Cebu Pacific Chief Marketing and Customer Care Officer, ang pagkilala ay bunga ng walang sawang pagsisikap ng kanilang mga piloto, cabin crew, ground operations, customer care teams, at iba pang kawani sa pagbibigay ng maayos at propesyonal na serbisyo sa mga pasahero. “Ang lakas ng aming brand ay nagmumula sa aming mga tao. Kami ay nagpapasalamat sa kanilang dedikasyon at sa tiwala ng milyon-milyong manlalakbay sa rehiyon,” ani Iyog.
Batay sa Brand Finance’s latest valuation study, nakamit ng Cebu Pacific ang AAA brand rating at Brand Strength Index (BSI) na 86.1, kasabay ng 86% pagtaas ng brand value sa US$386 milyon mula noong 2024. Sinuri ng pag-aaral ang awareness, consideration, at reputation ng higit sa 6,000 brands sa 31 sektor gamit ang pananaw ng 175,000 respondents mula sa 41 bansa, kabilang ang 25,000 mula sa Asia Pacific.
Ayon kay Alex Haigh, Managing Director ng Brand Finance Asia Pacific, ang pagkilala sa Cebu Pacific bilang pinakamalakas na airline brand sa ASEAN ay nangangahulugan na nangunguna ang airline sa customer perception at operational reputation, na nagbibigay ng mas matatag na posisyon at potensyal para sa pangmatagalang paglago.
Mula nang pumasok sa industriya noong Marso 1996, naging pioneer ang Cebu Pacific ng “low fare, great value” na estratehiya at nakalipad na ng higit 250 milyong pasahero, na may pinakalawak na domestic network sa Pilipinas at 26 international destinations sa Asia, Australia, at Middle East.
Ang pagkilala ay patunay ng dedikasyon ng Cebu Pacific sa pagpapadali, pagpapasaya, at pagpapalawak ng access sa air travel para sa mga Pilipino at manlalakbay sa rehiyon. (Larawan: Pampanga News Now / Facebook)
