Tulfo nagngitngit: ₱50M rehab ng Bulo Small Reservoir Irrigation pero sira pa rin
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-22 08:25:00
Nobyembre 22, 2025 - Sa plenary debates ng Senado para sa panukalang ₱54.79-bilyong budget ng National Irrigation Administration (NIA) para sa 2026, mariing kinuwestiyon ni Senator Raffy Tulfo ang umano’y mga depekto sa ilang irrigation projects na na-rehabilitate na ngunit nananatiling sira.
Partikular na tinutukan ni Tulfo ang Bulo Small Reservoir Irrigation Project sa San Jose, Bulacan, na nagkaroon ng ₱50-milyong rehabilitasyon matapos masira ng Bagyong Karding noong 2023.
Sa kanyang presentasyon, ipinakita ni Tulfo ang mga larawan at ulat na nagsasabing nananatiling may mga bitak, butas, at sirang pader ang reservoir kahit tapos na ang repair works. “How was the project ‘rehabilitated’ when it was clearly still damaged? We spent ₱50 million on repairs, yet the structure looks abandoned and unsafe. Who is accountable for this?” ani Tulfo.
Binatikos din ng senador ang kalidad ng mga materyales na ginamit sa mga proyekto ng NIA. “Sana gumawa kayo ng mga proyekto na it can withstand up to Signal No. 4. Period. Bakit Signal No. 3, 4, giba? Meron pa nga diyan Signal No. 2 lang nagigiba eh… Ibig sabihin, super mega substandard ‘yung ginamit na mga materyales,” giit ni Tulfo.
Dahil dito, hinamon niya si NIA Administrator Eduardo Guillen na magbitiw sa puwesto kung mapapatunayang may depekto pa rin ang mga proyekto kahit na-rehabilitate na. “Resign if proven defective,” mariing pahayag ni Tulfo.
Samantala, iginiit ng NIA na naayos na ang Bulo reservoir at ang mga sira ay dulot ng matinding epekto ng bagyo. Gayunman, nanindigan si Tulfo na walang makabuluhang pagbabago sa pasilidad mula nang inspeksyunin ito ng kanyang staff noong 2023 hanggang 2025, sa kabila ng pondong inilaan para sa pagkukumpuni.
Ang isyu ay nagdulot ng masusing pagbusisi sa Senado, lalo na’t matagal nang nagrereklamo ang mga magsasaka sa Bulacan hinggil sa kalagayan ng reservoir. Ayon sa kanila, ang kawalan ng maayos na imprastruktura ay nagdudulot ng problema sa patubig at panganib sa kanilang kabuhayan.
Patuloy na iniimbestigahan ng Senado ang NIA upang matukoy kung may kapabayaan o katiwalian sa paggamit ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga irrigation projects. Nanawagan si Tulfo ng mas mahigpit na pamantayan sa konstruksyon ng mga imprastruktura, lalo na’t ang Pilipinas ay madalas tamaan ng malalakas na bagyo.
Larawan mula NewsCore Bulacan
