Tingnan: DSWD, namahagi ng kalabaw at kariton na pangkabuhayan sa mga aeta sa Pampanga at Tarlac
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-21 23:15:26
PAMPANGA — Patuloy na pinalalakas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Pag-Abot RPMO ang kabuhayan ng mga pamayanang Aeta sa Porac, Pampanga at Capas, Tarlac sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitan para sa pagsasaka at iba pang pinagkakakitaan.
Bilang bahagi ng programang layong mapatatag ang kabuhayan at kakayahan ng mga Aeta, namahagi ang DSWD ng mga kalabaw at karitong pangnegosyo na magsisilbing pangunahing gamit sa paghahatid ng produkto, pagsasaka, at iba pang gawaing pangkabuhayan.
Sa Porac, 23 kalabaw at kareto ang naipamahagi bilang pangunahing kagamitan upang makatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng mga pamilyang Aeta. Samantala, sa Capas, 130 benepisyaryo mula sa apat na komunidad ang tumanggap ng tulong: 65 mula sa Maruglu, 5 mula sa Cutcut, 11 mula sa Bueno, at 49 mula sa Sta. Juliana.
Itinatampok ng proyektong ito ang patuloy na pagkalinga ng DSWD sa mga komunidad na nangangailangan, lalo na sa mga katutubong grupo na limitado ang akses sa mga kagamitan para sa kabuhayan.
Umaasa ang DSWD na sa pamamagitan ng mga ipinagkaloob na kagamitang pang-agrikultura, mas mapauunlad ng mga Aeta ang kanilang hanapbuhay, magkaroon ng mas matatag na kabuhayan, at makapagsimula ng mga proyektong magbibigay ng mas pangmatagalang benepisyo sa kanilang komunidad. (Larawan: DSWD / Google)
