‘His brain was that of a 20-year-old in a 103-year-old body’ — PBBM, nagbigay pugay sa yumaong dating Senate President Juan Ponce Enrile
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-21 23:03:48
MANILA, Philippines — Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang talas ng isipan ng yumaong dating Senate President Juan Ponce Enrile, na aniya ay nanatiling matalas at aktibo ang pag-iisip kahit umabot sa mahigit isang siglo ang edad.
Sa isang emosyonal na eulogy na ginanap sa Malacañang, inilarawan ng Pangulo si Enrile bilang “isa sa huling dakilang estadista ng Pilipinas,” at kilala hindi lamang sa katalinuhan kundi sa malalim na kaalaman sa batas at pulitika.
“His brain was that of a 20-year-old in a 103-year-old body,” pahayag ni Marcos Jr., na nagpahayag ng paghanga sa dating tagapayo at mambabatas na naging mahalagang bahagi umano ng paghubog sa mga polisiya ng bansa sa loob ng maraming dekada.
Ibinahagi rin ng Pangulo na si Enrile ay patuloy na nagbibigay ng payo at pagsusuri sa mga isyung pambansa kahit sa kanyang huling mga taon, bagay na nagpapatunay umano sa walang kupas na talino at dedikasyon nito sa serbisyo publiko.
Dagdag pa ni Marcos Jr., mananatili sa kasaysayan ang kontribusyon ni Enrile bilang isa sa pinaka-maimpluwensyang mambabatas at tagapagbalangkas ng mga batas sa bansa.
Inaasahang ililibing si Enrile sa isang pribadong seremonya kasama ang mga kapamilya at ilang malalapit na kaibigan at kasamahan sa serbisyo publiko.
(Larawan: Bongbong Marcos / Facebook)
