Zaldy Co huling nakita sa Japan — DILG
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-22 08:24:57
Nobyembre 22, 2025 - Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na huling namataan si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co sa Japan, ilang araw bago ipalabas ang mga warrant of arrest laban sa kanya at 17 iba pa na sangkot sa umano’y multi-bilyong pisong anomalya sa mga flood control projects.
Ayon kay Remulla, si Co ay umalis ng bansa noong Hulyo at nagtungo sa United States para umano sa gamutan. Pagkatapos nito, bumiyahe siya sa Europa, Singapore, Portugal, at kalaunan ay sa Japan. “His last known location, a few days ago, was in Japan, but he has since left. We do not have information yet as to where he came from before Japan,” ani Remulla sa panayam sa DZBB.
Dagdag pa ni Remulla, nakahanda na ang gobyerno na humiling ng Interpol Red Notice upang matiyak ang pagdakip kay Co. “Hindi kami maiisahan dito. As long as we have the legal authority, kukunin namin siya,” giit ng kalihim. Bukod dito, nakikipag-ugnayan na ang DILG sa Department of Foreign Affairs (DFA) para kanselahin ang pasaporte ni Co, bagamat nilinaw ng DFA na maaari lamang itong gawin kapag may utos mula sa korte.
Noong Nobyembre 21, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may inilabas nang warrant of arrest laban kay Co at 17 iba pa, kabilang ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at board members ng Sunwest Corporation, na umano’y nakinabang sa mga flood control projects.
Sa kasalukuyan, nakadeploy na ang mga tracker teams ng DILG at Philippine National Police (PNP) upang bantayan ang galaw ni Co. Ayon sa mga awtoridad, may naunang inilabas na Interpol Blue Notice dalawang buwan na ang nakalipas upang matukoy ang kanyang lokasyon.
Ang kaso ni Co ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa flood control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso. Inaasahan ng publiko na ang extradition at pag-aresto kay Co ay magiging susi sa pagpapatuloy ng paglilitis laban sa mga sangkot sa kontrobersiya.
