Diskurso PH
Translate the website into your language:

DA, kinuwestiyon ang P100-milyong ‘ghost’ farm-to-market roads sa Davao Occidental

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-21 23:10:09 DA, kinuwestiyon ang P100-milyong ‘ghost’ farm-to-market roads sa Davao Occidental

DAVAO, Occidental Kinuwestiyon ng Department of Agriculture (DA) ang nawawalang walong farm-to-market road (FMR) projects sa Davao Occidental na may kabuuang halagang P100 milyon, na nakapaloob sa pondo mula 2021 hanggang 2023.

Sa pahayag ngayong Biyernes, Nobyembre 21, sinabi ni DA spokesperson Arnel de Mesa na nakagugulat ang resulta ng pagsusuri ng ahensya matapos lumabas na apat sa mga proyekto ang idineklarang “completed,” ngunit wala pa umanong nasisimulan batay sa audit noong Setyembre 2025.

Dagdag pa niya, apat pang proyekto ang walang kahit anong progreso nang isagawa ang FMR audit nitong Oktubre 2025, na nag-iiwan ng tanong kung saan napunta ang pondong inilaan para sa mga ito.

Binigyang-diin ni De Mesa na Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dapat managot sa proyekto dahil sila ang nagpatupad nito, kahit galing sa pondo ng DA.

Samantala, una nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagkakatuklas ng P75-milyong ‘ghost’ farm-to-market roads sa Mindanao, ngunit iginiit niyang isolated cases lamang ang mga ito.

Sa kabila nito, bukas pa rin umano ang DA sa mas masusing imbestigasyon upang matiyak na hindi nasasayang ang pondo ng gobyerno para sa mga proyektong dapat nakikinabang ang mga magsasaka.

Inaasahan namang magsasumite ng paliwanag ang DPWH kaugnay sa kontrobersyal na mga nawawalang kalsada na sana’y naging tulay para sa mas mabilis na pagdadala ng ani mula sakahan papunta sa merkado. (Larawan: Philippine News Agency / Google)