PDP, magsasagawa ng 24-oras na prayer vigil para sa hiling na paglaya ni Duterte
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-27 20:27:52
NOBYEMBRE 27, 2025 — Habang nakabinbin ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) sa apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pansamantalang paglaya, naghahanda ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ng 24-oras na prayer vigil sa kanilang punong tanggapan sa Maynila mula Nobyembre 27 hanggang 28.
Ang pagtitipon ay nakatuon sa panawagan ng partido na palayain si Duterte mula sa pagkakakulong sa The Hague, kung saan siya nakadetine mula pa noong Marso matapos arestuhin ng mga awtoridad sa Pilipinas. Ang dating pangulo, na ngayon ay 80 taong gulang, ay nahaharap sa paglilitis kaugnay ng mga paratang ng “crimes against humanity” na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga.
Sa isang pahayag sa social media, nanawagan ang PDP sa kanilang mga tagasuporta: “All supporters are invited to join the 24-hour vigil as we stand in unity and call for the interim release of Tatay Digong. Let us come together in peaceful solidarity.”
(Inaanyayahan ang lahat ng taga-suporta na makiisa sa 24-oras na vigil bilang tanda ng pagkakaisa at panawagan para sa pansamantalang paglaya ni Tatay Digong. Magsama-sama tayo sa mapayapang pagkakaisa.)
Nauna nang tinanggihan ng ICC ang kahilingan ni Duterte para sa pansamantalang paglaya, at iginiit na siya ay nananatiling “flight risk” at maaaring magdulot ng panganib sa mga testigo. Dagdag pa ng korte, may posibilidad na ipagpatuloy niya ang mga umano’y krimen kung siya ay palalayain.
Dahil dito, naghain ng apela ang kampo ng dating pangulo upang muling ikonsidera ang kanilang panig.
Ang prayer vigil ay nakikita ng PDP bilang simbolo ng pagkakaisa at paninindigan ng mga taga-suporta ni Duterte sa gitna ng mga kasong kinahaharap niya.
Habang patuloy na sinusuri ng ICC ang apela, nananatiling nakatutok ang publiko sa magiging pasya ng korte na maaaring magtakda ng direksyon sa isa sa pinakamalaking usaping legal na kinakaharap ng bansa.
(Larawan: PDP Laban | Facebook)
