Tingnan: Pulis na igorot mula Sagada, sasabak sa ‘World Bodybuilding Event’ sa Germany
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-03 23:38:01
SAGADA, Mountain Province – Isang pulis at proud Igorot bodybuilder ang muling nagbigay ng karangalan sa Cordillera matapos tanghaling Overall Champion sa Asia Bodybuilding International 2025. Siya ay si PEMS Eduardo Balabag mula sa Antadao, Sagada.
Matapos ang kanyang makasaysayang panalo, magpapatuloy si Balabag sa susunod na yugto ng kompetisyon upang katawanin ang Pilipinas sa NAC Universe Qualifier na gaganapin sa Cuxhaven, Germany para sa taong 2025–2026.
Ang NAC Universe Qualifier ay isang prestihiyosong bodybuilding event na nagsisilbing daan para sa mga atleta upang makapasok sa NAC Universe Championship—isa sa pinakamalaking entablado ng bodybuilding sa buong mundo. Inoorganisa ito ng National Athletic Committee (NAC) at idinaraos sa iba’t ibang bansa, nagbibigay ng pagkakataon sa mga manlalaro na ipakita ang kanilang galing at magsilbing kinatawan ng kanilang bansa sa pandaigdigang kompetisyon.
Bukod sa kanyang propesyon bilang alagad ng batas, pinatunayan ni Balabag na posible ang pagsabayin ang pagseserbisyo sa bayan at ang disiplina ng sports. Ang kanyang tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon, hindi lamang sa mga taga-Sagada at Cordillera, kundi maging sa buong bansa.
Nagpaabot ng pagbati at suporta ang kanyang mga kababayan, na nagsabing ang kanyang determinasyon at sipag ay tunay na repleksyon ng tatag ng kulturang Igorot.
Sa kanyang nalalapit na laban sa Germany, umaasa ang maraming Pilipino na muling iwagayway ni Balabag ang bandila ng bansa at makapag-uwi ng karangalan sa larangan ng bodybuilding. (Larawan: Eduardo Balabag / Facebook)