Diskurso PH
Translate the website into your language:

Alex Eala bigong makapasok sa finals ng Jingshan Open sa China

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-09-27 22:05:46 Alex Eala bigong makapasok sa finals ng Jingshan Open sa China

Setyembre 27,2025–Nabigo ang Filipina tennis sensation na si Alex Eala na makapasok sa kanyang kauna-unahang WTA singles final matapos matalo sa semifinals ng Jingshan Tennis Open sa China nitong Sabado laban kay Lulu Sun ng New Zealand.

Bumida si Eala sa unang set matapos makuha ito, 6-3, ngunit bumalikwas si Lulu Sun ng New Zealand para sikwatin ang huling dalawang set, 6-4, 6-2. Ang kabiguan ay nagbura sa pag-asa ng 20-anyos na Pinay na makagawa ng kasaysayan sa prestihiyosong torneo.

Bagama’t hindi nakalusot sa championship round, nakapag-uwi pa rin si Eala ng mahahalagang WTA ranking points at premyong salapi. Ayon sa Tennis365, kabilang ang torneo sa mga oportunidad na makapagdagdag siya ng malaking puntos na makatutulong sa kanyang world ranking.

Matatandaang patuloy ang pag-akyat ni Eala sa international tennis scene matapos ang ilang titulo sa ITF circuit at pagiging bahagi ng Rafael Nadal Academy sa Spain. Sa kabila ng pagkatalo, pinuri pa rin siya ng mga sports analysts dahil sa ipinakita niyang composure at tapang laban sa mas mataas ang ranggo na si Sun.

“Isang malaking hakbang pa rin ito para kay Alex,” ayon sa ulat ng GMA Sports, na nagbigay-diin sa pagpasok ng Pinay sa semifinals ng isang WTA-level tournament sa murang edad.

Samantala, tuloy ang laban ni Sun na sasabak sa finals ng Jingshan Open. Para naman kay Eala, nananatiling bukas ang mas malalaking pagkakataon na patunayan ang kanyang galing at madala ang bandila ng Pilipinas sa mas mataas na entablado ng world tennis.

Larawan/google