NBA Superstar LeBron James, end of an era na nga ba?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-26 23:14:12
USA — Unang beses sa loob ng kanyang 23-taong karera sa NBA ay papasok si LeBron James sa isang season na may expiring contract, bagay na nagdulot ng malalaking katanungan sa loob ng liga at sa mga fans ng Los Angeles Lakers.
Ayon sa mga ulat, malinaw na nais ni LeBron na magkaroon ng kontrata extension, ngunit tumanggi umano ang Lakers na magbigay ng ganoong alok. Maraming insiders ang naniniwala na ang hiniling ni LeBron ay isang “one-plus-one deal”—isang taon na guaranteed at may kasamang player option—ngunit hindi ito tinugunan ng management.
“Obvious na gusto ni LeBron ng extension, at malinaw na hindi ito ibinigay ng Lakers,” ayon sa isang NBA source. Isa pang prominenteng agent ang nagkomento: “Sa hindi pagbibigay ng extension, nailagay ng Lakers si LeBron sa alanganin.”
Sa kabila nito, hindi rin masasabi na nag-rebuild ang Lakers ngayong offseason. Nagdagdag sila ng mga pwersa gaya nina Deandre Ayton, Marcus Smart, at Jake LaRavia, habang pinalawig naman nila ang kontrata ni Luka Dončić—isang hakbang na malinaw na may malaking impluwensya sa dynamics ng koponan.
Ang pangunahing tanong ngayon: Ano ang susunod para kay LeBron? Maaari ba siyang magretiro matapos ang season, lumipat ng koponan sa 2026, o kaya’y ma-trade kung magbago ang plano ng Lakers?
Ang tiyak lamang—gusto pa rin niyang manalo ng kampeonato, manatiling sentro ng atensyon, at tapusin ang karera sa paraang engrande, tulad ng farewell tour ni Kobe Bryant. Ngunit ayon sa isang NBA executive: “Ang problema, nasa sitwasyon siya ngayon na imposible niyang makuha ang lahat ng gusto niya. Wala siyang leverage, at hindi siya sanay sa ganoon.”
Habang papalapit ang 2025–26 season, nananatiling palaisipan kung paano isusulat ni LeBron James ang huling kabanata ng kanyang makasaysayang karera. (Larawan: Wikipedia / Google)