Pilipinas, napiling host ng 2029 FIVB Women’s Volleyball World Championship
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-28 23:32:57
MANILA – Pormal nang inanunsyo ng International Volleyball Federation (FIVB) na ang Pilipinas ang magiging host country ng 2029 FIVB Women’s Volleyball World Championship, ang kauna-unahang pagkakataon na idaos ang prestihiyosong torneo ng kababaihan sa bansa.
Ginawa ang anunsyo nitong Sabado, Setyembre 27, sa closing day ng 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championship sa Maynila, ilang sandali bago ang gold medal match sa pagitan ng Italy at Bulgaria.
Ayon sa FIVB, ang hosting ay bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng samahan at ng Pilipinas upang higit pang palakasin ang volleyball sa rehiyon. Muling binigyang-diin ng organisasyon ang kahandaan ng bansa matapos matagumpay na idaos ang Men’s World Championship ngayong taon.
Ito na ang ikalawang pagkakataon sa huling tatlong edisyon na sa Southeast Asia gaganapin ang women’s world championship, isang indikasyon ng lumalawak na interes sa volleyball sa rehiyon.
Kasalukuyang hawak ng Italy ang titulo ng women’s division matapos talunin ang Turkey sa finals ng 2025 edition.
Samantala, inaasahang magsisilbing malaking oportunidad para sa Alas Pilipinas women’s team ang nalalapit na torneo, hindi lamang para makasama sa pinakamalalakas na koponan sa buong mundo kundi para rin magkaroon ng home-court advantage.
Bukod sa sports development, tinatayang makakapagdulot din ng malaking benepisyo sa turismo at ekonomiya ang pagho-host ng Pilipinas sa naturang pandaigdigang kompetisyon.
Wala pang inilalabas na detalye kung aling mga lungsod at venue ang gagamitin para sa 2029 edition, ngunit tiniyak ng FIVB at ng lokal na organizing committee na sisimulan na ang maagang paghahanda.