Gilas Girls bigong makapasok sa semis matapos yumuko sa China sa FIBA U16 Asia Cup
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-26 22:42:43
Setyembre 26, 2025 – Nabigo ang Gilas Pilipinas Girls na makapasok sa semifinals ng FIBA U16 Women’s Asia Cup matapos silang padapain ng China, 82-50, sa kanilang quarterfinals game.
Maalab ang naging simula ng koponan matapos makalamang ng 21-19 sa pagtatapos ng unang quarter, ngunit mabilis na bumawi ang China sa ikalawang yugto kung saan pinuwersa nila ang Gilas sa 26-10 run upang magtayo ng 45-31 bentahe bago ang halftime.
Hindi na nakabawi ang Filipina ballers nang dominahin sila ng mas malaki at mas balanseng Chinese squad, na nagtala ng malaking kalamangan sa rebounds at opensa. Lahat ng 12 manlalaro ng China ay nakapuntos, patunay ng kanilang malalim na bench.
Pinangunahan ni Ella Smith ang Gilas Girls na may 14 puntos, walong rebounds at apat na assists. Sa panig naman ng China, nanguna si Li Yuanshan na may 18 puntos at nagsilbing susi sa kanilang pagsabog sa second quarter.
Dahil sa pagkatalo, malalaglag ang Pilipinas sa classification round para sa ika-5 hanggang ika-6 na puwesto, kung saan haharapin nila ang Chinese Taipei.
Sa kabila ng pagkakatalo, nagpakita ng matibay na laban ang Gilas Girls sa torneo, kabilang ang makasaysayang panalo kontra South Korea noong nakaraang linggo matapos ang game-winning basket ni Tiffany Reyes. Gayunman, napatunayan ng China na nananatili silang isa sa pinakamalalakas na pwersa sa Asya sa women’s youth basketball.
Larawan: Fiba