Inang Elepante, Hindi Iniwan ang Patay niyang Anak!
Ipinost noong 2025-05-12 13:39:46
Maynila, Pilipinas- Nagluksa ang isang inang elepante matapos masagasaan at mapatay ang kanyang anak na limang taong gulang na elepante sa East-West Highway sa Perak noong madaling araw ng Mayo 11. Ang insidente ay naganap dakong 2:50 ng umaga habang tumatawid ang batang elepante sa kalsada.
Ayon kay Superintendent Zulkifli Mahmood ng Gerik District Police, nakita ng 28-anyos na drayber ng trak ang isang malaking elepante sa kanang gilid ng kalsada at inakalang ligtas ang pagdaan. Ngunit biglang lumabas mula sa kagubatan ang batang elepante sa kaliwang bahagi at tumawid, dahilan upang hindi na makaiwas ang drayber.
Matapos ang insidente, dumating ang inang elepante at sinubukang itulak ang trak gamit ang kanyang ulo, tila umaasang maililigtas pa ang anak. Ayon sa Malay Mail, nanatili ang ina sa tabi ng trak ng mahigit limang oras, tumangging umalis sa tabi ng kanyang anak.
Dahil sa panganib sa mga motorista, kinailangang pakalmahin at ilipat ng mga opisyal mula sa Department of Wildlife and National Parks (Perhilitan) ang inang elepante. Ayon kay Yusoff Shariff, direktor ng Perhilitan Perak, ginamit ang tamang dosis ng pampakalma upang mailipat ang elepante sa ligtas na lugar sa kagubatan, mga isang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan.
Ang insidente ay nagdulot ng matinding emosyon sa mga netizen, lalo na't nangyari ito sa Araw ng mga Ina. Marami ang nagpahayag ng simpatya sa inang elepante na hindi iniwan ang kanyang anak.