20 na Patay, Natuklasan sa Sinaloa, Mexico!

Maynila, Pilipinas- Natagpuan ng mga awtoridad sa Mexico nitong Lunes, Hunyo 30, 2025, ang dalawampung katao na patay sa isang highway sa labas ng Culiacan, ang kabisera ng estado ng Sinaloa. Ang insidente ay pinaniniwalaang resulta ng tumitinding digmaan sa pagitan ng magkaribal na paksyon ng makapangyarihang Sinaloa Cartel.
Inilarawan ng tanggapan ng piskal ng estado ng Sinaloa ang isang madugong eksena: Apat na pugot na bangkay ang nakita sa tabing kalsada, habang 16 na bangkay naman ang natuklasan sa loob ng isang inabandonang van. May limang ulo rin ng tao na natagpuan sa loob ng isang bag malapit sa pinangyarihan. Lahat ng biktima ay nagpakita ng mga sugat ng bala. Iniulat ng lokal na media na ang ilan sa mga pugot na katawan ay ibinitin pa sa isang tulay sa highway.
May isang nakasulat na mensahe, na diumano'y mula sa isa sa mga paksyon ng kartel, ang natagpuan din kasama ng mga bangkay, bagaman hindi pa inilalabas sa publiko ang nilalaman nito.
Nagsimula ang malawakang karahasan na ito sa Sinaloa noong Setyembre ng nakaraang taon, matapos sumiklab ang isang madugong labanan sa kontrol sa pagitan ng dalawang paksyon ng Sinaloa Cartel: ang "Los Chapitos," na pinamumunuan ng mga anak ng nakakulong na drug lord na si Joaquín “El Chapo” Guzmán, at ang "La Mayiza," na tapat kay Ismael “El Mayo” Zambada.
Sumiklab ang matinding karahasan matapos arestuhin si Zambada sa Estados Unidos halos isang taon na ang nakalilipas. Diumano, kinidnap siya ng anak ni "El Chapo" Guzmán sa Mexico at sapilitang ipinadala sa US sa pamamagitan ng pribadong eroplano. Simula noon, ang matinding labanan sa pagitan ng mga paksyon na armado ng husto ay naging "bagong normal" para sa mga residente ng Culiacan, isang lungsod na sa loob ng maraming taon ay nakaiwas sa pinakamatinding karahasan sa Mexico dahil sa ganap na kontrol ng Sinaloa Cartel.
Kinondena ni Feliciano Castro, tagapagsalita ng pamahalaan ng Sinaloa, ang marahas na pagpatay at sinabi na kailangan ng mga awtoridad na suriin ang kanilang diskarte sa pagharap sa organisadong krimen dahil sa "laki" ng nakitang karahasan. "Nagtutulungan ang puwersa ng militar at pulisya upang maibalik ang ganap na kapayapaan sa Sinaloa," sabi ni Castro. Gayunpaman, maraming residente sa kanlurang estado ng Mexico ang nagsasabing nawalan na ng kontrol ang mga awtoridad sa antas ng karahasan.
Ayon sa opisyal na datos, mahigit 1,200 katao na ang namatay sa Sinaloa dahil sa nagpapatuloy na labanan. Araw-araw, nagkalat ang mga bangkay sa Culiacan, butas-butas ang mga bahay sa bala, nagsasara ang mga negosyo, at regular na nagsasara ang mga paaralan sa gitna ng mga sunud-sunod na alon ng karahasan. Hayagang nagpapatrol ang mga nakamaskarang kabataan na nakasakay sa motorsiklo sa mga pangunahing daanan ng lungsod, na nagpapakita ng limitadong abot ng estado.