Master Chef Mexico star na si Yanin Campos, patay sa aksidente sa sasakyan sa edad na 38
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-07 01:04:30
CHIHUAHUA, MEXICO — Nalungkot ang mundo ng telebisyon at culinary arts matapos ang biglaang pagpanaw ng dating “MasterChef México” contestant na si Yanin Rocío Campos Ruiz, 38 taong gulang, dahil sa isang malagim na aksidente sa sasakyan noong Agosto 2, 2025.
Ayon sa ulat, bandang 6:30 ng umaga sa R. Almada beltway sa Chihuahua City nang bumangga ang minamaneho niyang itim na GMC Terrain sa isang nakaparadang Ford Econoline malapit sa Privada de Samaniego. Agad siyang isinugod sa Christus Muguerza del Parque Hospital, kung saan siya ay na-confine ng ilang araw, ngunit binawian ng buhay noong Agosto 4, Lunes ng hapon.
Si Yanin, na isa ring nars, ay nakilala bilang isa sa pinaka-kaabang-abang na kalahok sa Season 4 ng “MasterChef México” noong 2018, kung saan nagtapos siya sa ika-6 na puwesto. Kalaunan ay lumahok din siya sa “MasterChef: La Revancha” noong 2019 at muling pinabilib ang publiko sa kanyang tapang at talento.
Bukod sa pagiging chef at nurse, naging host din siya ng lokal na palabas na “La Tertulia (The Social Gathering)”, at kilala sa kanyang aktibong social media presence, kung saan ibinabahagi niya ang kanyang mga lutuin at karanasan.
Tuloy-tuloy ang imbestigasyon ng Damage and Injury Department ng State Attorney General’s Office, kung saan inaaral ang posibilidad ng mabilis na pagpapatakbo o distracted driving bilang mga sanhi ng aksidente.
Sa Instagram, nagbigay ng tribute ang producer na si Iker Emerson Navarrete, na nagsabing:
“Vuela muy, muy alto @yanin_chefmx.”
Pinakamasakit ang balitang ito para sa pamilya. Sa isang Facebook post ng kanyang kapatid na si Raúl Campos, inanunsyo niya ang pagpanaw ni Yanin at ang schedule ng burol:
“Sa mga kaibigan at kamag-anak, malungkot naming ibinabalita ang pagpanaw ng kapatid kong si Yanin Campos. Gaganapin ang burol sa Hernández Funeral Home ngayong araw mula 12:00 PM. Bukas ito sa lahat ng nais magbigay ng huling pamamaalam.”
Sa comment section ng post, bumuhos ang pakikiramay ng mga kaibigan at tagahanga. Isa sa mga kaibigan ng yumaong chef ang nagsabing:
“Si Yanin ay palaging may ngiti, puno ng pananampalataya. Hindi ako makapaniwala. Isang yakap para sa buong pamilya, lalo na sa kanyang mga magulang.”
Ang kanyang huling Instagram post, na may litratong kuha sa London noong Abril 19, 2023, ay ngayon ay mistulang paalala ng kanyang masayahin at masiglang pagkatao.
Caption niya: “Taking a stroll.”
Ngayong wala na si Yanin Campos, isang bagay ang malinaw: iiwan niya ang alaala ng isang babaeng may puso sa pagluluto, malasakit sa kapwa, at lakas ng loob sa bawat hamon. (Larawan: Instagram)