Thai monks, huli sa sex-blackmail! Donasyon ng mga deboto, napunta lang sa kalokohan?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-18 17:08:33
HULYO 18, 2025 — Nakagigimbal ang isang kaso ng sex extortion na kinasasangkutan ng mga Buddhist monk sa Thailand, na nagdulot ng matinding pagdududa sa integridad ng mga relihiyosong lider. Nahuli ng pulisya ang isang babaeng akusado ng pag-akit sa hindi bababa sa 11 monghe, pagkuha ng lihim na litrato sa kanilang mga engkwentro, at pagbanta sa halagang $12 milyon — perang sinasabing galing sa donasyon sa mga templo.
Nagdulot ito ng malawakang pagkabigo sa mga Thai Buddhist, kung saan marami na ang nagtatanong kung karapat-dapat pa ang tiwala sa mga monghe. Binawi ni King Maha Vajiralongkorn ang imbitasyon sa mahigit 80 monghe para sa kanyang kaarawan dahil sa kanilang hindi nararapat na pag-uugali.
Natanggal na sa tungkulin ang mga sangkot na monghe, at nangako ang mga awtoridad ng masusing imbestigasyon para maibalik ang tiwala ng publiko.
Sa loob ng maraming siglo, ang Theravada Buddhism ang naghubog sa kultura ng Thailand, kung saan dapat sumusunod ang mga monghe sa mahigpit na pangako ng celibacy and poverty. Pero sa mga nakaraang taon, sunud-sunod ang eskandalo — pagnanakaw sa pondo, sugal, at ngayon ay blackmail — na nagpapahina sa respeto sa kanila.
"People question whether donations are used for spiritual significance or personal desire," ayon sa iskolar na si Danai Preechapermprasit.
(Tinatanong ng mga tao kung ang donasyon ba ay ginagamit para sa espirituwal na layunin o pansariling kagustuhan.)
May ilan, tulad ng drayber ng motorsiklo na si Mongkol Sudathip, na itinutuloy na lang ang tulong sa mga paaralan at ospital.
"It feels more meaningful than giving money to temples," ani Mongkol.
(Mas makabuluhan sa pakiramdam kaysa magbigay sa mga templo.)
Ang iba naman, tulad ng guwardiyang si Camphun Parimiphut, nananatiling naniniwala sa turo ng Buddhism kahit hindi na sa mga monghe mismo.
Maaari kayang tuluyan nang baguhin ng Thailand ang bulok na sistema? Ayon sa mga kritiko, naging taguan na ng mga outcast sa lipunan ang mga templo, habang inaabuso ng mga tiwaling monghe ang debosyon ng mga tao para sa pera.
Nangangako ang mga mambabatas ng mas mahigpit na regulasyon — pero reporma ba ang kasunod, o panibagong cycle lang ng galit at walang kwentang pangako?
(Larawan: Yahoo)