Cordilleran mula Baguio kinilala bilang pinakabatang abogado sa buong mundo
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-23 10:20:40
BAGUIO CITY — Isang Cordilleran mula sa Baguio City ang muling nagbigay karangalan sa Pilipinas matapos kilalanin bilang pinakabatang practicing lawyer sa buong mundo. Si Jozef Maynard Borja Erece, na naging abogado sa edad na 18, ay kinilala ng lokal na pamahalaan ng Baguio sa pamamagitan ng Resolution No. 015, series of 2023 bilang isang “modern-day renaissance man” at pambihirang anak ng lungsod.
Si Erece, na ipinanganak sa New Zealand sa mga magulang na sina Dr. Maynard Victor “Thoots” Erece at Dr. Josephine Ana “Jo-ann” Borja Erece, ay nagtapos ng Bachelor of Laws sa University of Southern Queensland sa loob lamang ng tatlong taon. Bukod pa rito, nagtapos siya ng Master of Laws with High Distinction mula sa Australian National University sa loob ng 10 buwan, at kumuha ng Corporate Law (magna cum laude equivalent) sa University of Cambridge sa loob ng 9 na buwan.
Hindi lamang siya naging abogado sa murang edad, kundi naging associate editor ng Cambridge Law Review—ang pinakamatandang university law journal sa United Kingdom—bilang unang Pilipino na humawak ng posisyong iyon noong 2021.
Sa kasalukuyan, si Erece ay isang senior-ranked commercial litigator sa Corney and Ling Law Firm sa Brisbane, Australia. Kinakatawan niya ang mga kliyente sa mga kaso laban sa malalaking kompanya tulad ng Mercedes Benz at mga internasyonal na organisasyon gaya ng NATO.
Bukod sa kanyang legal achievements, si Erece ay kilala rin bilang isang taekwondo black belt, chess master, basketball player, at gifted musician, na may IQ na higit sa 160 ayon sa mga ulat.
Para sa lungsod ng Baguio, si Jozef ay hindi lamang isang huwaran kundi isang inspirasyon sa mga kabataang Pilipino. “He may arguably be the most prodigious modern-day Filipino child prodigy,” ayon sa House Resolution No. 2072 na ipinasa noong Mayo 16, 2014 bilang pagkilala sa kanyang tagumpay.