Diskurso PH
Translate the website into your language:

Gawang Pinoy: Gown na suot ni Mariah Carey sa kanyang historic concert sa Brazil, nagningning!

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-24 00:56:03 Gawang Pinoy: Gown na suot ni Mariah Carey sa kanyang historic concert sa Brazil, nagningning!

BRAZIL — Isang makasaysayang sandali ang ipinamalas sa Brazil matapos rumampa sa entablado si Mariah Carey, ang tinaguriang “Songbird Supreme,” suot ang isang kahanga-hangang pulang couture gown na likha ng Filipino fashion designer Michael Cinco. Ang konsiyerto, pinamagatang “Amazônia Live – Hoje e Sempre” (Amazon Live – Today and Always), ay isinagawa upang itaguyod ang kamalayan sa pagtatanggol at pangangalaga ng Amazon rainforest.

Ginanap ang konsiyerto sa isang nakamamanghang entablado na hugis Victoria Amazonica water lily na pansamantalang itinayo sa ibabaw ng Guamá River sa Belém, Brazil. Itinampok dito ang pagsasanib ng lokal na sining at pandaigdigang talento, kasabay ng adbokasiya laban sa climate change.

Bilang pangunahing performer, hindi lamang pinahanga ni Carey ang libu-libong manonood sa kanyang musika, kundi lalo pang pinatingkad ang mensahe ng environmental protection. Ang kanyang presensya, dalawang buwan bago ang COP30 U.N. Climate Summit na gaganapin sa parehong lungsod, ay nagbigay ng mas malaking atensyon sa laban para sa kalikasan.

Sa kanyang Instagram post, nagpasalamat si Michael Cinco sa lahat ng bumuo ng makasaysayang tagpong ito. Kilala si Cinco, na nakabase sa Dubai, sa kanyang detalyadong beading, kristal embellishments, at engrandeng disenyo. Ilan sa mga naisuotan na niya ay sina Beyoncé, Lady Gaga, Jennifer Lopez, Rihanna, at maging mga beauty queens gaya nina Miss Universe Pia Wurtzbach at Iris Mittenaere.

Ang paglitaw ng kanyang obra sa isang pandaigdigang entablado ay hindi lamang personal na tagumpay kundi isang pambansang karangalan para sa Pilipinas. Patunay ito na ang husay at malikhaing talento ng mga Pilipino ay kinikilala at hinahangaan sa buong mundo.

Sa pagtatagpo nina Carey at Cinco—isang global music icon at isang Filipino design powerhouse—nabuo ang isang makulay at makabuluhang sandali na nagpatunay sa kapangyarihan ng musika, sining, at moda upang maghatid ng mensahe para sa mas mataas na layunin: ang pangangalaga sa ating kalikasan. (Larawan: Michael Cinco / Instagram)