Jackpot! Nanalo ng P20.5-milyon sa lotto dahil sa mga numero mula sa panaginip?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-19 19:40:50
MANILA — Isang maliit na negosyante mula Quezon City ang naging pinakabagong milyonaryo matapos masungkit ang jackpot sa Mega Lotto 6/45. Nitong Setyembre 17 ay kanya nang naiuwi ang kanyang napanalunan.
Siya ang nag-iisang nanalo ng ₱20,523,660.60 jackpot prize sa draw noong Agosto 25, 2025 na ginanap sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Main Office sa Mandaluyong City.
Ang winning combination na 40-05-16-03-20-27 ay binili niya sa isang lotto outlet sa Barangay Payatas B, Quezon City.
Ayon sa maswerteng bettor, ang mga numero ay nagmula sa isang panaginip noong Mayo ngayong taon. Simula noon, paulit-ulit niyang tinayaan ang parehong kombinasyon hanggang sa tuluyang nagbunga ang kanyang tiyaga ngayong Agosto.
Plano ng nanalo na ilagak ang bahagi ng kanyang premyo sa time deposit, magtayo ng bagong negosyo, at maglaan ng pondo para sa edukasyon ng kanyang mga anak.
Aniya, matagal na siyang naniniwala sa pagiging lehitimo ng lotto dahil minsan nang nanalo ng jackpot ang isa niyang kaibigan. Bagama’t bihira siyang tumaya noon, ang kanyang panaginip ang naging inspirasyon upang subukan muli ang kanyang kapalaran.
Nagbigay rin siya ng payo sa publiko na manatiling may pag-asa at maging responsable sa pagtaya:
“Minsan, tiyaga at tamang pagkakataon lang ang kailangan para magbago ang buhay.”
Samantala, muling pinaalalahanan ng PCSO ang mga mananalo na i-claim ang kanilang premyo sa loob ng isang taon mula sa petsa ng draw. Alinsunod sa TRAIN Law, lahat ng premyong lampas ₱10,000 ay may 20% tax deduction.
Kinakailangan ng orihinal na signed winning ticket at dalawang valid government-issued IDs upang makuha ang panalo sa PCSO Main Office sa Mandaluyong.
Patuloy ding iniimbitahan ng PCSO ang publiko na subaybayan ang opisyal na mga draw at resulta sa kanilang Facebook, YouTube, at opisyal na website (pcso.gov.ph). (Larawan: PCSO Official)