‘Magkita-kita tayo sa Luneta’ — Vice Ganda, hinikayat ang publiko sa gaganaping kilos-protesta sa Setyembre 21
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-19 20:20:56.jpg)
MANILA — Tahasang nanawagan si “Unkabogable Star” Vice Ganda kanyang instagram story na makiisa ang publiko sa gaganaping kilos-protesta laban sa korapsyon sa Luneta, ngayong Linggo, Setyembre 21.
Sa kanyang post sa social media nitong Huwebes, ibinulalas ng komedyante ang kanyang matapang na panawagan:
“Magkita-kita tayo sa Luneta sa Linggo. Oras na para wakasan ang kagarapalan ng mga hayup na magnanakaw sa gobyerno.”
Ang panawagang ito ay kasunod ng lumalakas na galit ng taumbayan sa umano’y anomalya sa flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan. Ayon sa ulat, bilyong pisong pondo ang inilaan para sa imprastraktura ngunit malaking bahagi umano nito ay napunta sa mga kuwestiyonableng kontrata na konektado sa piling kontratista at alyadong politiko.
Hindi nag-iisa si Vice sa paninindigan. Kamakailan ay nanawagan din si Tuesday Vargas sa kapwa artista na manindigan laban sa katiwalian. Itinuturing ng mga tagasuporta na mahalaga ang mga tinig ng mga personalidad mula sa showbiz upang mas mailapit sa publiko ang panawagan para sa pananagutan, transparency, at reporma sa pamahalaan.
Sa mga nagdaang linggo, ilang grupo na ang nagsagawa ng protesta tulad ng “Misa at Protesta Laban sa Korapsyon” at “Black Friday People’s Protest.” Inaasahan namang dadagsa ang mga tao sa Luneta bilang bahagi ng patuloy na pagkilos laban sa katiwalian.
Mabilis namang nag-trend online ang panawagan ni Vice Ganda, na umani ng papuri mula sa kanyang mga tagahanga at kapwa mamamayan. Para sa marami, ito ay patunay na dumarami na ang mga boses na handang magsalita at manindigan para sa mas malinis at tapat na pamahalaan.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa flood control scam, inaasahan pang mas lalakas ang sigaw ng taumbayan para sa katarungan at pagbabago. (Larawan: Vice Ganda / Instagram)