‘One day, kayo ang magbabago ng bulok na sistema ng bansang ito’ — mensahe ni Sarah Geronimo sa mga kabataan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-19 23:22:05
BATANGAS — Nagbigay ng isang makapangyarihang mensahe si Sarah Geronimo sa pagbubukas ng UAAP Season 88 na ginanap sa University of Santo Tomas nitong Biyernes, Setyembre 19. Hindi lamang siya nagpasaya sa pamamagitan ng kanyang performance, kundi ginamit din niya ang entablado upang maghatid ng inspirasyon at pag-asa sa mga kabataan at sa sambayanang Pilipino.
Sa kalagitnaan ng kanyang espesyal na numero, nanawagan ang Popstar Royalty sa mga estudyante at manonood na huwag mawalan ng tiwala sa kinabukasan ng bansa. “Ang ating mga kabataan, kayo ang pag-asa ng ating bansa, ng ating bayan. One day, kayo ang magbabago ng bulok na sistema ng bansang ito,” mariing pahayag ni Sarah na sinabayan ng malakas na palakpakan mula sa libu-libong dumalo.
Dagdag pa niya, mahalagang kumapit sa pag-asa at magtiwala na darating ang panahon na magbabago rin ang sistema at uunlad ang Pilipinas. “Huwag kayong mawalan ng pag-asa, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Patuloy na magtiwala na balang araw, magbabago rin ang bulok na sistema na ’yan at uunlad din ang ating mahal na bansang Pilipinas,” aniya.
Binigyang-diin din ni Sarah ang kanyang pangarap na makita ang isang mas maunlad na Pilipinas kung saan sapat ang oportunidad para sa lahat. “Hindi na natin kailangang umalis ng bansa para makapaghanap ng magandang trabaho dahil nandito na lahat ng oportunidad. Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa,” dagdag niya.
Sa kanyang mensahe, muling pinatunayan ni Sarah na bukod sa pagiging isang performer, isa rin siyang tinig ng inspirasyon at pag-asa para sa maraming Pilipino. (Larawan: Sarah Geronimo / Fb)