DepEd Night sa Majayjay, mga Guro bida sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day at 5th Pagaspas Award
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-10-04 11:52:18
Majayjay, Laguna — Naging makulay, masaya, at puno ng kasayahan ang ginanap na DepEd Night kaugnay ng selebrasyon ng World Teachers’ Day sa bayan ng Majayjay. Pinangunahan ang pagdiriwang ni Mayor Romeo Amorado, kasama si District Supervisor Ginalyn B. Freo, PhD, at iba pang mga opisyal ng bayan.
Isa sa mga tampok ng gabi ang 5th Pagaspas Award, kung saan binigyang pugay ang mga natatanging guro na buong pusong nag-alay ng kanilang serbisyo sa mga paaralan ng Majayjay. Pinarangalan ang mga guro na naglingkod ng 15, 20, 25, 30 at 35 taon, bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at walang sawang pagtuturo.
Bukod sa pagkilala, mas pinasaya ang gabi sa pamamagitan ng cultural dance presentations mula sa mga guro ng bawat paaralan. Ipinakita nila ang husay sa pagsayaw at ang yaman ng kulturang Pilipino, bagay na ikinaaliw at ikina-proud ng mga dumalo.
Hindi rin nagpahuli ang masayang salu-salo na nagpatibay ng pagkakaisa at bayanihan ng pamayanang pang-edukasyon sa Majayjay.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang DepEd Night — isang patunay na tunay na “guro ang ilaw at inspirasyon ng bayan.”