OPM band IV of Spades reunited sa concert matapos ang 5-taong hiatus
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-06 10:05:32
MANILA — Matapos ang limang taong pananahimik, muling magbabalik sa entablado ang OPM band na IV of Spades sa pamamagitan ng isang solo concert sa SM Mall of Asia Arena sa darating na Disyembre 12, 2025, ayon sa opisyal na anunsyo ng event organizer na Karpos Multimedia.
Ang konsiyerto ay bahagi ng mas malawak na pagbabalik ng banda, na binubuo nina Unique Salonga, Blaster Silonga, Zild Benitez, at Badjao de Castro. Ito ang unang pagkakataon na muling magtatanghal ang apat bilang isang grupo mula nang maghiwalay sila noong 2020 upang magpursige ng kani-kaniyang solo career.
Ayon sa Karpos, “Fans can look forward to hearing new music performed live for the first time, along with reimagined versions of the band's classics.” Inaasahang tampok sa konsiyerto ang mga bagong kanta mula sa kanilang second studio album na “Andalucia”, na ilalabas sa Nobyembre 5, 2025. Kabilang sa mga naunang inilabas na single ay ang “Aura,” “Nanaman,” at “Konsensya.”
Ang “Aura” ay nagdebut sa #5 sa Spotify PH Chart, at itinuring na may pinakamalaking OPM streaming debut sa kasaysayan ng platform. Ito ang hudyat ng opisyal na pagbabalik ng banda sa industriya ng musika.
Ang mga tiket para sa konsiyerto ay ibebenta simula Oktubre 12, 12:00 ng tanghali sa pamamagitan ng SM Tickets. Narito ang presyo ng mga tiket:
- LB Premium – ₱6,500
- LB Regular – ₱5,500
- Floor Standing – ₱4,500
- UB Premium – ₱3,500
- UB Regular – ₱3,000
- GA Premium – ₱2,000
- GA Regular – ₱1,500
Ang pagbabalik ng IV of Spades ay itinuturing na isa sa pinaka-inaabangang musical reunion ngayong taon. Mula sa kanilang unang album na “CLAPCLAPCLAP!” noong 2019, hanggang sa kanilang hiatus noong 2020, nanatili ang suporta ng fans sa banda.
Sa isang panayam, sinabi ni Zild, “We’re excited to be back and to share the stage again. This concert is not just a show—it’s a celebration of everything we’ve been through.”
Larawan mula sa Wish 107.5