2nd Bacolod film festival, bubuksan na may libreng screening sa Nobyembre 27
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-25 23:33:30
BACOLOD CITY — Bubuksan ngayong Nobyembre 27 ang 2nd Bacolod Film Festival (BFF) na magtatampok ng walong locally produced short films na mapapanood nang libre sa mga piling sinehan sa lungsod, kabilang ang SM City Bacolod, Ayala Malls Capitol Central, at Cinematheque Centre Negros, ayon sa inilabas na press release ng mga organizer.
Ipinahayag ni Bacolod City Mayor Greg Gasataya ang buong suporta sa mga lokal na filmmaker at binigyang-diin ang temang “PANAN-AW: Local Frames, Global Change,” na layong itampok ang kwentong nakaugat sa pagkakakilanlang Bacolodnon at mga karanasang tunay na buhay.
Ang Bacolod Film Festival ay proyekto ng City Government of Bacolod at Negros Cultural Foundation (NCF), katuwang ang Congresional Office ni Bacolod City Rep. Albee Benitez. Kasama rin bilang institutional partners ang Film Development Council of the Philippines (FDCP), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), at The Negros Museum.
Ayon kay Mae Llamas, head ng Department of Local Economic Development and Investment Promotions (DLEDIP), isang malaking hakbang ang pagpapalabas ng lokal na pelikula sa mga mainstream cinemas.
“This time, we are not only mainstreaming them but also connecting them with film producers,” diin ni Llamas, na kumpiyansang mas palalawigin nito ang oportunidad para sa mga lokal na filmmaker.
Opisyal na line-up ng mga short films:
Tonton — Charlene Mead Tupas
Truth & Dare — Banjo Hinolan
Tililing — Dranreb Cimatu
Balay Alibangbang — Kyle Ramas
Tuyaw — Roland Chavez
Sa Tunga Entablado — Jiane Nicole Flores
We Can Really Only Ever Be One — David Reasol
Bagong Bayan — Kir Kizziah Hulleza
Lahat ng pelikula ay may rating na Parental Guidance (PG) mula sa MTRCB.
Magkakaroon ng apat na screening kada araw sa SM City Bacolod (Cinemas 1 at 4) at Ayala Malls Capitol Central (Cinemas 1 at 2), habang ang Cinematheque Centre Negros ay magkakaroon ng dalawang screening kada araw, na magiging apat sa Nobyembre 29.
Magiging venue rin ang Cinematheque Centre Negros para sa post-screening talkbacks, BFF Director’s Forum sa umaga ng Nobyembre 28, at PANAN-AW Conversations tungkol sa film appreciation at halaga ng regional film festivals sa hapon.
Ang regular na tiket ay nagkakahalaga ng ₱200 at mabibili sa mga ticket booth ng Ayala, SM, at Cinematheque. Iaanunsyo ang petsa ng ticket-selling sa mga susunod na araw.
Sa pamamagitan ng pagtataguyod sa lokal na pelikula, layon ng Bacolod Film Festival na palawakin ang oportunidad ng mga Bacolodnon filmmaker at maipakita ang kanilang talento sa mas malawak na audience, lokal at internasyonal. (Larawan: Facebook)
