Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Bata, kayod-kalabaw sa murang edad; nagtitinda ng gulay para makatulong sa pamilya

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-29 00:18:41 Tingnan: Bata, kayod-kalabaw sa murang edad; nagtitinda ng gulay para makatulong sa pamilya

MANILA, Philippines — Sa gitna ng matinding kahirapan na kinahaharap ng maraming pamilyang Pilipino, isang nakakaantig na tagpo ang nag-viral matapos ibahagi ng netizen na si Ralph Tiozon Quito—isang batang lalaki, nakapaa at mag-isa, ang naglalako ng mga gulay habang sakay ng pampasaherong jeep.

Makikita sa mga larawan ang musmos na bata, tinatayang nasa murang edad pa, bitbit ang ilang supot ng panindang gulay na tila buong tapang at sipag na ibinebenta upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.

Ayon kay Quito, hindi na nasusukat sa edad ang pagbanat ng buto sa panahon ngayon. Sa hirap ng buhay, aniya, marami sa mga magulang ang kailangang kumayod nang doble, ngunit hindi pa rin sapat ang kinikita upang maitawid ang buong pamilya—kaya’t pati ang kanilang mga anak ay napipilitang tumulong.

“Hindi na mahalaga ang edad… ang mahalaga ay mabuhay nang marangal at parehas,” pahayag ni Quito. Dagdag pa niya, hindi niya masisisi ang bata na sa murang edad ay natutong maghanapbuhay, lalo na kung ito ang kinakailangan upang makaraos.

Marami ang naantig sa naturang post, na muling nagbukas ng usapin tungkol sa kahirapan, child labor, at ang katotohanang maraming bata sa bansa ang napipilitang pumasok sa hanapbuhay sa halip na nasa paaralan at naglalaro tulad ng ibang kasing-edad nila. (Larawan: Samson Alapan Litana / Facebook)