Pag-iwas sa ‘social media’, nakabubuti sa mental health ayon sa mga eksperto
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-27 22:46:05
MANILA, Philippines — Kung hindi pa sapat ang mga babala, muling napatunayan ng isang pag-aaral na ang labis na paggamit ng social media ay may negatibong epekto sa mental health. Kaya’t kung hindi maiiwasan ang social media dahil sa trabaho, mainam na magpahinga rito kapag weekend o sa oras na maaari.
Ayon sa bagong pag-aaral mula sa United Kingdom na inilathala sa journal na Cyberpsychology, Behavior and Social Networking, sinuri ang mental health ng dalawang grupo: ang unang grupo ay hindi gumamit ng social media sa loob ng isang linggo, habang ang ikalawa ay nagpatuloy sa normal nilang paggamit.
Lumabas na ang mga taong nag-social media break ng isang linggo ay gumugol lamang ng average na 21 minuto sa social platforms at nakaranas ng malaking pagbaba sa depresyon, anxiety, at may mas mataas na well-being. May ilan pa na nakakuha ng karagdagang siyam na oras na libreng oras, na ginugol sa mas makabuluhang gawain na nagpalakas ng kanilang kalusugang pangkaisipan.
Samantala, ang grupong nagpatuloy sa paggamit ng social media nang karaniwang pitong oras bawat linggo ay nakitaan ng mas mababang estado ng mental health.
Binigyang-diin ng may-akda ng pag-aaral na si Jeff Lambert, assistant professor ng health psychology sa University of Bath, na dapat ay hindi matakot ang publiko na mag-social media break. Ayon sa kanya, pinapayagan nating bigyan ang sarili ng pahinga mula sa online pressures, lalo na kung kinakailangan para sa agarang benepisyo sa ating mental well-being.
Bagama’t maraming pag-aaral na ang nagpatunay na ang labis na paggamit ng social media ay nagdudulot ng mababang self-esteem, labis na doomscrolling, at iba pang negatibong epekto, aminado rin ang mga eksperto na hindi praktikal ang tuluyang pag-offline, lalo na sa panahong digital ang halos lahat ng gawain.
Dahil dito, ipinapayo ng mga eksperto na kung patuloy mang gagamit ng social media, gamitin ito nang may pag-iingat, magtakda ng oras ng pahinga, at umiwas sa sobrang pagkahumaling sa Facebook, TikTok, Instagram, at X (dating Twitter). (Larawan: Platt Wealth Management / Google)
