DICT. planong baguhin ang Free Wi-Fi Program para mas makatipid
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-03-11 10:31:56
MANILA — Plano ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na isailalim sa malaking pagbabago ang Free Wi-Fi Program upang masolusyunan ang mataas na gastusin at hindi epektibong operasyon.
Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy, naghahanap ang gobyerno ng mas abot-kaya at pangmatagalang solusyon upang mapabuti ang internet connectivity, lalo na sa mga lugar na hindi naaabot ng serbisyo.
"There are more cost-effective alternatives if we enter into long-term agreements,” ani Dy sa isang press release.
Umaabot sa PHP6.5 bilyon kada taon ang inilalaan ng gobyerno para mapanatili ang internet sa mahigit 7,000 lokasyon sa buong bansa. Gayunman, sinabi ni Dy na nakikipag-usap na ang DICT sa isang Low Earth Orbit (LEO) satellite provider na maaaring magbigay ng mas abot-kayang internet para sa mga paaralan.
“For instance, we are in discussions with a Low Earth Orbit (LEO) provider for a potential discount to enhance connectivity in schools. The provider has offered an aggregated 200Mbps (MIR) of the internet for 10,000 school locations at only PHP1.5 billion per year, provided the procurement is through a 10-year contract,” paliwanag pa niya.
Bukod sa pagpapahusay ng koneksyon sa mga paaralan, target din ng DICT na gamitin ang hanggang 40,000 lokasyon sa bansa upang mag-stream ng educational content bilang suporta sa digital learning.
Samantala, tinututukan na rin ng DICT ang paglipat mula sa pampublikong Wi-Fi patungo sa mas permanenteng solusyon tulad ng pagpapalawak ng mobile networks. Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang DICT na bigyang-priyoridad ang SIM Card ng Bayan Project, na may nakalaang PHP5 bilyon para sa pagpapatayo ng mga permanenteng cell tower.
Layunin ng proyekto na tumulong sa mga telecom company at tower provider, at mabigyan ng libreng 25GB na buwanang internet ang mga estudyante sa mga lugar na masasaklaw ng bagong towers.
“The SIM Card ng Bayan Project is a more sustainable alternative to the Free Wi-Fi Program,” giit ni Dy.
Matagal nang problema ng Pilipinas ang mabagal at mahal na internet. Sa datos ng Speedtest Global Index noong Enero 2025, nasa ika-62 na pwesto ang Pilipinas sa mobile internet speeds na may median download speed na 58.99 Mbps.
Bagaman may pagbuti sa mga nakaraang taon, huli pa rin ang bansa kumpara sa Singapore at Thailand pagdating sa bilis at kalidad ng serbisyo.
Umaasa ang DICT na sa pagtutok sa satellite connectivity at pagpapalawak ng mobile networks, mapapabilis at mapapalawak ang internet access lalo na sa mga liblib na lugar.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng layunin ng gobyerno na isara ang digital divide at pagandahin ang access sa online education at serbisyo publiko.
