Magsasaka, patay matapos pagbabarilin habang nagluluto sa Catanauan, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-05 23:39:57
CATANAUAN, QUEZON — Patay ang isang 38-anyos na magsasaka matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Catumbo, Catanauan, Quezon, pasado alas-7:30 ng gabi noong Martes, Nobyembre 4, 2025.
Ayon sa imbestigasyon, abala umano ang biktima sa pagluluto ng hapunan sa labas ng kanyang bahay nang dumating ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo. Agad siyang pinaputukan ng mga ito nang ilang ulit bago mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng General Luna, Quezon.
Dead on the spot ang biktima matapos tamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Narekober naman ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng caliber .45 pistol, na ngayon ay isinasailalim sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang posibleng motibo sa pamamaril. Inaalam din kung may kaugnayan ito sa personal na alitan o sa trabaho ng biktima bilang magsasaka. (Larawan:Shutterstock / Google)
