Diskurso PH
Translate the website into your language:

Business at justice groups, binatikos ang umano’y secret decision ni dating Ombudsman Martires

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-06 00:21:16 Business at justice groups, binatikos ang umano’y secret decision ni dating Ombudsman Martires

MANLA Binatikos ng ilang prestihiyosong business at justice organizations ang umano’y “secret decision” na inilabas ni dating Ombudsman Samuel Martires, na nagbaliktad sa naunang desisyon na nag-utos ng pagpapatalsik sa dating CIBAC congressman at ngayo’y Senador Joel Villanueva dahil sa kasong katiwalian kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Sa isang joint statement, ipinahayag ng Makati Business Club (MBC), Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX), Management Association of the Philippines (MAP), at Justice Reform Initiative (JRI) ang kanilang pagkadismaya sa ginawang lihim na pagbawi ni Martires noong 2019 sa dismissal order na inisyu ng kanyang sinundang si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong 2016.

Ayon sa mga grupo, taliwas sa prinsipyo ng transparency at accountability ang desisyong itinago sa publiko.

“In this case, public disclosure was clearly warranted. Not doing so deprived the public of access to vital information, and the parties involved of their lawful remedies,” saad nila.

Dagdag pa nila, ang ganitong uri ng lihim na aksyon ay nagpapahina sa tiwala ng mamamayan sa sistema ng hustisya at naglalagay ng panganib na ang mga desisyong may kinalaman sa pananagutan ng mga opisyal ay maaring baliktarin nang palihim.

Nabunyag lamang ang “secret decision” nang umupo si dating Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla bilang Ombudsman, matapos niyang ipasuri ang estado ng mga kaso ni Villanueva na may kaugnayan sa P10-bilyong PDAF controversy. (Larawan: Senate of the Philippines / Office of the Ombudsman / Facebook)