‘Konektadong Pinoy Act’, pirmado na ang implementing rules and regulations (IRR) ayon sa DICT
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-06 00:54:16
MANILA — Sa press conference sa Malacañang ngayong Miyerkules, Nobyembre 5, inanunsiyo ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Rhoel Aguda na pirmado na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Konektadong Pinoy Act na inaprubahan ng Malacañang noong Agosto.
Tiniyak ni Aguda na sa ilalim ng bagong batas — isang “priority measure” na ipinursige ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng Legislative-Economic Development Advisory Council (LEDAC) — ay bibilis ang internet connection, bababa ang presyo ng serbisyo, at mas lalawak ang access ng bawat Pilipino sa maayos na koneksiyon.
Ibinunyag din ng kalihim na anim hanggang pitong telecommunications companies ang kasalukuyang nag-apply ng prangkisa sa DICT, bagama’t tumanggi siyang pangalanan ang mga ito habang isinasapinal pa ang proseso.
Ayon kay Aguda, upang maisakatuparan ang layunin ng batas, kailangang madagdagan mula 30,000 hanggang 100,000 cell sites sa bansa.
Sa kasalukuyan, nagpapasok ng $1 bilyon hanggang $1.5 bilyon na puhunan ang mga telco players sa ekonomiya ng Pilipinas — hakbang na inaasahang magpapatatag sa digital infrastructure ng bansa at magdadala ng mas mabilis, abot-kaya, at konektadong Pilipinas. (Larawan: Wikipedia / Google)
