Bagyong ‘Uwan’ na maaaring tumaas sa signal no.5, posibleng mag-landfall sa Luzon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-05 23:31:43
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibleng pagtama ng bagyong “Uwan” sa Northern o Central Luzon sa darating na Lunes, Nobyembre 10, 2025, na maaaring umabot sa kategoryang super typhoon.
Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga. Sa kasalukuyang trajectory, patuloy itong lumalakas habang papalapit sa bansa.
Dahil sa inaasahang lakas ng hangin at ulan, posibleng itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa ilang bahagi ng Luzon depende sa bilis at direksyon ng bagyo. Magsisimula umano ang paglala ng panahon sa Linggo, kung saan asahan ang matitinding pag-ulan, malalakas na hangin, at storm surge sa mga baybaying lugar.
Pinayuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko, lalo na ang mga nakatira sa mababang lugar at coastal communities, na maghanda na ng maaga, mag-imbak ng pagkain at tubig, at patuloy na mag-monitor sa mga opisyal na abiso ng PAGASA at lokal na pamahalaan. (Larawan: DOST PAGASA / Facebook)
