Legit na Yaman? Zaldy Co, 2019 palang bilyonaryo na ayon sa kanyang abogado
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-06 00:37:42
MANILA — Bago pa man pumasok sa politika noong 2019 bilang kinatawan ng Ako Bicol Party-list, bilyonaryo na umano si former congressman Zaldy Co dahil sa kanyang malawak na negosyo, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ruy Rondain.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, Nobyembre 5, sinabi ni Rondain na malinaw na nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Co para sa taong 2019 ang kanyang kabuuang yaman na P4.1 bilyon, na aniya’y mas mataas pa kaysa sa yaman ng mga kilalang senador na sina Cynthia Villar (P3.8 bilyon) at Manny Pacquiao (P3.1 bilyon) noong 2020.
Ipinaliwanag pa ni Rondain na detalyado sa naturang SALN ang 44 pribadong kumpanyang pagmamay-ari ni Co, kabilang ang isang power plant sa Camarines Sur.
Nilinaw din ng abogado na bago pa man sumabak si Co sa pulitika, nagpasya na itong mag-divest mula sa Sunwest Construction and Development Corporation, ang kumpanyang kanyang co-founded, upang maiwasan ang anumang conflict of interest.
Dagdag ni Rondain, patunay umano ito na ang yaman ni Co ay lehitimo at nakuha bago pa siya maging opisyal ng gobyerno, kaya’t walang dapat ikuwestiyon sa kanyang pinansiyal na estado. (Larawan: Zaldy Co / Facebook)
