Chinese coast guard, umaksyon laban sa mga Pinoy sa pinag-aagawang Sandy Cay
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-28 10:51:41
ABRIL 28, 2025 — Inihayag ng mga awtoridad ng China noong Linggo na kumilos sila laban sa anim na Pilipinong umano’y dumating nang walang pahintulot sa Sandy Cay, isang maliit na sandbank sa South China Sea na inangkin kamakailan ng China.
Ayon sa Chinese coast guard spokesperson na si Liu Dejun, bumaba sa reef at nagsiyasat ang kanilang tauhan matapos umanong hindi pinansin ng mga Pinoy ang mga babala. Hindi nagbigay ng detalye ang spokesperson tungkol sa mga indibiduwal na sangkot o kung ano talaga ang nangyari.
Nangyari ito sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Manila at Beijing, kung saan parehong inaangkin ng dalawang bansa ang mga teritoryo sa South China Sea. Matatagpuan ang pinag-aagawang sandbank malapit sa Thitu Island (tinatawag na Pag-asa ng Pilipinas), kung saan may pasilidad ang militar ng Pilipinas.
Inihayag ng Chinese state media noong Sabado na ipinatupad na ng kanilang coast guard ang maritime control sa Sandy Cay (na tinatawag nilang Tiexian Reef) noong kalagitnaan ng Abril. Ipinakita sa mga state broadcast ang mga larawan ng coast guard na nagtataas ng bandila ng China sa reef, na inilarawan bilang "vow of sovereignty" (pangako ng soberanya). Ayon sa ulat, tinanggal din ng mga tauhan ang mga debris sa lugar.
Batay sa isang di-pinangalanang maritime official ng Pilipinas na binanggit ng Financial Times, umalis ang mga puwersa ng China matapos magtaas ng bandila. Wala umanong naiwang permanenteng istruktura doon ang mga Tsino.
Nangyari ang sagupaan habang inilunsad ng Pilipinas at Estados Unidos ang kanilang taunang military exercises na "Balikatan." Binatikos ito ng Beijing bilang destabilizing sa rehiyon. Sa opening ceremony, sinabi ni US Marine Corps Lieutenant General James Glynn na ipapakita ng drills ang commitment ng dalawang bansa sa kanilang mutual defense treaty.
Naging punto rin ng away ang mga isyu sa kalikasan, kung saan nag-aakusahan ang dalawang bansa ng pagkasira ng ekolohiya sa mga pinag-aagawang lugar sa karagatan.
(Larawan: Wikipedia)