Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Napaka-walang hiya!’ — Vince Dizon, pumalag sa posibilidad na gawing state witness si Brice Hernandez

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-29 00:16:43 ‘Napaka-walang hiya!’ — Vince Dizon, pumalag sa posibilidad na gawing state witness si Brice Hernandez

MANILA Mariing kinontra ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang posibilidad na gawing state witness ang dating opisyal na si Brice Hernandez kaugnay ng kontrobersiya sa mga flood control projects ng ahensya.

Sa isang panayam kay Karen Davila, diretsong tinuligsa ni Dizon ang umano’y mga kalokohan ng ilang opisyal na patuloy na nakikinabang habang nasa posisyon.

“Kung ako ang tatanungin, bakit mo gagawing state witness ‘yang mga loko-lokong ‘yan… Going to work, DPWH, knowing fully well you’re making ₱50–70,000 a month – going to work in a Ferrari or Lamborghini, kung hindi ba naman napaka-walang hiya mo,” mariing pahayag ni Dizon.

Giit niya, malinaw na insulto sa mga Pilipinong patuloy na binabaha at naaapektuhan ng mga depektibong proyekto ang makitang nagtatamasa ng marangyang pamumuhay ang ilang opisyal ng gobyerno. Dagdag pa ni Dizon, hindi dapat bigyan ng proteksyon o espesyal na trato ang mga taong sangkot sa katiwalian, lalo na kung malinaw ang pagyayabang nila ng yaman na hindi tugma sa kanilang sinasahod bilang lingkod-bayan.

Samantala, wala pang opisyal na tugon si Brice Hernandez hinggil sa pahayag ni Dizon. Gayunpaman, umani na ng matinding reaksyon ang isyu, lalo na mula sa mga komunidad na direktang naaapektuhan ng pagbaha at mga proyektong hindi natatapos o de kalidad. Para sa kanila, tama lang na papanagutin at hindi pagaanin ang responsibilidad ng mga opisyal na nasasangkot sa anomalya. (Larawan: DPWH / Facebook)