Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Maniniwala pa rin ba kami sa mga Tulfo?’ — Barzaga, bumanat matapos ang viral Vegas video ni Ralph Wendel Tulfo

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-29 00:05:58 ‘Maniniwala pa rin ba kami sa mga Tulfo?’ — Barzaga, bumanat matapos ang viral Vegas video ni Ralph Wendel Tulfo

MANILA Nagbigay ng matapang na pahayag si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga kaugnay ng viral video ni Quezon City 2nd District Rep. at Assistant Majority Leader Ralph Wendel Tulfo, kung saan makikita ang pagbabayad umano nito ng halos ₱6.7 milyon sa isang nightclub sa Las Vegas, Nevada.

Sa naging paliwanag ni Tulfo, iginiit niyang ang okasyon ay isang pribadong salu-salo noong Pasko 2023 at pagsalubong ng Bagong Taon 2024. Aniya, bagama’t gamit ang kanyang credit card ang ipinambayad, nag-ambagan umano silang lahat ng kanyang mga kasama at wala umanong pondong galing sa gobyerno ang ginamit.

“WALA kaming ginamit na pondo ng gobyerno at pera ng taumbayan,” diin ng kongresista.

Gayunpaman, hindi kumbinsido si Rep. Barzaga at diretsahang kinuwestiyon ang kredibilidad ng mga pahayag ng mga Tulfo.

“’Yan din ang sinabi ni Zaldy Co at Romualdez… maniniwala pa rin ba kami sa mga Tulfo?” ani Barzaga.

Ang komentong ito ay agad na naging usap-usapan online, lalo na’t tumutukoy ito sa mga naunang kontrobersiya na kinasangkutan ng ibang mambabatas. Sa pananaw ng ilan, sumasalamin ito sa lumalaking pagkadismaya ng publiko sa mga opisyal na nahuhulog sa mga isyu ng luho at privilege habang marami ang nagsusumikap sa gitna ng krisis pang-ekonomiya.

Samantala, nananatili pa ring mainit na paksa ang Vegas video ni Tulfo sa social media, kung saan hati ang opinyon ng publiko—may mga naniniwalang personal na gastos ito, ngunit marami rin ang nananawagang dapat maging mas maingat at sensitibo ang mga halal na opisyal sa kanilang mga kilos. (Larawan: Kiko Barzaga / Facebook)