Diskurso PH
Translate the website into your language:

Human rights group: Pahayag ni VP Duterte ukol sa ama, taktika para antalahin proseso sa ICC

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-28 23:41:09 Human rights group: Pahayag ni VP Duterte ukol sa ama, taktika para antalahin proseso sa ICC

Setyembre 28, 2025 – Binatikos ng human rights group na Karapatan si Vice President Sara Duterte matapos nitong igiit na pinapabayaan ang kalusugan ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakadetine sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng giyera kontra droga.


Ayon sa Karapatan, tila ginagamit umano ng Bise Presidente ang isyu ng kalusugan ng dating pangulo bilang taktika upang maantala ang mga proseso sa International Criminal Court (ICC). Giit ng grupo, ang mga pahayag ni Duterte ay taliwas sa ulat ng mga kaanak ng dating pangulo na nagsabing nasa maayos at alertong kondisyon pa rin ito.


“Halatang mga gimik lamang ang inilalabas para pahabain at guluhin ang paglilitis. Ang paulit-ulit na pagbago ng istorya — mula sa umano’y kapabayaan, hanggang sa sinasabing paghina ng pag-iisip — ay malinaw na pagsisikap na hadlangan ang pag-usad ng kaso,” pahayag ng Karapatan.


Binigyang-diin din ng grupo ang umano’y kawalan ng malasakit noong administrasyon ni Duterte sa kalagayan ng mga matatandang bilanggong pulitikal na hindi nakatanggap ng tamang atensyong medikal at ilan pa ay namatay sa kulungan. Anila, nakapagtataka na ngayo’y ginagamit ang parehong isyu upang isulong ang interes ng dating pangulo.


Nito lamang nakaraang linggo, naglabas ng pahayag si VP Duterte na natagpuang walang malay ang kanyang ama sa loob ng detention room, bagay na hindi pa kumpirmado ng ICC at kinontra ng ilang miyembro ng pamilya.


Kasabay nito, nananatiling wala pang inilalabas na opisyal na tugon ang ICC hinggil sa kalagayan ng dating pangulo. Patuloy naman ang nakatakdang proseso para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa kanya kaugnay ng libu-libong nasawi sa kampanya kontra droga noong siya pa ang nakaupong presidente ng bansa.