‘Hokus Pokus’ — Patutsada ni Arnold Clavio sa pagdawit kina Romualdez at Co sa katiwalian
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-29 00:47:38
MANILA — Matapang na bumanat si veteran broadcaster Arnold Clavio laban sa mga alegasyong idinadawit sina dating House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa umano’y anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.
Sa kanyang pahayag, hindi itinago ni Clavio ang pagkadismaya sa mga akusasyon na aniya’y walang sapat na basehan.
“Nagmukha kayong mga makapili na nag-hokus pokus ng kuwento at idinawit pa sina Romualdez at Co sa katiwalian,” ani Clavio.
Dagdag pa ng mamamahayag, ang ganitong mga paratang ay hindi lamang nakasisira sa reputasyon ng mga opisyal kundi nakalilito rin sa publiko. Binigyang-diin niyang dapat ang mga nagbubunyag ng impormasyon ay mayroong malinaw na ebidensya at hindi lamang haka-haka.
Samantala, nananatiling mainit na usapin sa Kongreso at sa publiko ang mga ulat ng iregularidad sa flood control projects. Habang patuloy ang imbestigasyon, nananawagan naman si Clavio na pairalin ang patas at makatarungang pag-uulat upang hindi maligaw ang taumbayan. (Larawan: PEP / Google)