Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱6.7-milyong nightclub bill? Ralph Wendel Tulfo humingi ng pang-unawa sa viral Vegas Video

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-28 23:59:12 ₱6.7-milyong nightclub bill? Ralph Wendel Tulfo humingi ng pang-unawa sa viral Vegas Video

MANILA Umapela ng pang-unawa sa publiko si Quezon City 2nd District Representative at Assistant Majority Leader Ralph Wendel Tulfo matapos mag-viral ang isang video noong Disyembre 2023 na kuha sa isang nightclub sa Las Vegas, Nevada. Sa naturang video, makikita ang kongresista habang nagdiriwang kasama ang ilang kaibigan at tumutungga ng mamahaling alak.

Ayon sa ulat, dalawang resibo ang binayaran ni Tulfo gamit ang kanyang credit card na may kabuuang halagang umabot sa mahigit ₱6.7 milyon. Batay sa breakdown, nagkakahalaga ang una ng USD 42,605 (₱2.47 milyon) at ang ikalawa naman ay USD 73,951.64 (₱4.29 milyon).

Nilinaw ni Tulfo na ang nasabing selebrasyon ay isang pribadong pagtitipon para sa Pasko 2023 at pagsalubong ng Bagong Taon 2024. Giit niya, hindi siya lamang ang gumastos kundi nag-ambagan silang magkakaibigan para sa kabuuang bayarin. “Bagama’t ginamit ang aking credit card, nag-ambagan naman po kaming lahat… nais ko pong linawin na ito ay isang personal trip at WALA kaming ginamit na pondo ng gobyerno at pera ng taumbayan,” ani Tulfo.

Dagdag pa niya, nauunawaan niya kung bakit masakit sa publiko ang makita ang ganoong klase ng paggasta, lalo na sa panahong masinsin ang pagbabantay sa paggamit ng buwis ng bayan. Ayon sa kongresista, magsisilbi itong paalala para maging mas maingat siya sa mga susunod na pagkakataon.

Hindi ito ang unang beses na humingi ng pang-unawa si Tulfo. Noong Enero 2025, nagbigay rin siya ng public apology matapos mahuling dalawang beses na dumaan nang ilegal sa EDSA Busway gamit ang kanyang pribadong sasakyan. (Larawan: Congressman Ralph Tulfo / Facebook)