Ina ng 9-taong-gulang na bata, kulong ng 15 taon sa kasong online sexual exploitation ng sariling anak
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-28 19:57:12
SETYEMBRE 28, 2025 — Nahaharap sa 15 taong pagkakakulong ang isang ina matapos mapatunayang sangkot sa pagbebenta ng sariling anak sa mga banyagang kliyente sa pamamagitan ng internet. Hatol ito ng Regional Trial Court sa Malabon kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act) at RA 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act).
Ayon sa Anti-Cybercrime Group (ACG), bukod sa pagkakakulong, pinatawan din ng multang ₱500,000 ang nasabing ina.
Inilahad ni Brig. Gen. Bernard Yang, direktor ng ACG, na inaresto ang babae noong Agosto 17, 2024 matapos makatanggap ng ulat ang mga awtoridad na pinipilit nitong magpakita ng malaswang akto ang kanyang siyam na taong gulang na anak sa harap ng kamera. Lumabas sa imbestigasyon na humihingi umano siya ng ₱10,000 kada banyagang customer.
“This case should serve as a warning to other parents who are using their children for money,” ani Yang. “Those who exploit and abuse children will be held accountable and punished to the fullest extent of the law.”
(Dapat magsilbing babala ang kasong ito sa mga magulang na ginagamit ang kanilang anak para sa pera. Ang mga nananamantala at umaabuso sa mga bata ay pananagutin at paparusahan nang buong bigat ng batas.)
Samantala, isang 66-anyos na Amerikano naman ang dinakip ng Bureau of Immigration (BI dahil sa umano’y kaugnayan sa paggawa at pagpapakalat ng materyales na may kinalaman sa sekswal na pagsasamantala sa mga menor de edad.
Kinilala ng BI ang dayuhan bilang si Robin Hoyt Alderman. Idineklara siyang “undesirable alien” matapos iulat ng Women and Children Protection Center ang umano’y pakikipagtalik nito sa mga bata, pati na ang pag-iimbak at paggawa ng mga iligal na materyales.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na agad i-report ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga bata, lalo na sa digital platforms.
(Larawan: UNICEF)