Bi-BINGO na!VP Sara nahaharap muli sa panibagong kaso ng sedisyon, pagbabanta sa buhay ni PBBM, First Lady at Romualdez
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-30 11:39:59
30 Abril 2025 — Ipinatawag si Pangalawang Pangulo Sara Duterte ng Office of the Prosecutor kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang summons ay bahagi ng isinasagawang preliminary investigation para sa kasong grave threats at incitement to sedition na isinampa ng NBI noong Pebrero ng kasalukuyang taon.
Ang mga kaso ay nag-ugat sa mga pahayag umano ni Duterte noong Nobyembre 2024, kung saan sinabi umano niyang dapat ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at Speaker Martin Romualdez sakaling magtagumpay ang diumano’y plano upang siya ay patayin. Ayon kay Duterte, ang kanyang mga pahayag ay taken out of context.
“In fact, ako man ay naka-receive din kanina ng summons sa Office of the Prosecutor sa finile ng National Bureau of Investigation na kaso laban sa akin,” pahayag ni Duterte sa isang ambush interview sa Sogod, Leyte noong Abril 29.
Isinampa ng NBI ang kaso matapos hindi umano dumalo si Duterte sa dalawang imbitasyon ng mga imbestigador noong Nobyembre at Disyembre 2024. Ang Office of the Prosecutor ang magpapasya kung itataas ang kaso sa korte.
Hindi pa ibinunyag ni Duterte kung siya ay tutugon sa ipinadalang summons. Ibinahagi niya ang impormasyong ito matapos siyang tanungin hinggil sa hiwalay na kaso laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque at iba pa kaugnay ng umano’y ilegal na aktibidad ng dating Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na Lucky South 99 Corp. sa Porac, Pampanga.
Dagdag ito sa lumalawak na listahan ng mga kasong kinahaharap ni Duterte, kabilang ang impeachment case na isinampa laban sa kanya noong unang bahagi ng taon. Naninindigan ang Pangalawang Pangulo sa kanyang pagiging inosente at nagpahayag ng tiwala sa kanyang legal team.