Naibalik sa mapa! ‘West Philippine Sea’ muling lumitaw sa Google Maps ngayong umaga
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-01 10:52:39
1 Mayo 2025 — Muling lumitaw ang label na “West Philippine Sea” sa Google Maps ngayong umaga, matapos ang pag-aalala ng publiko sa biglaang pagkawala nito kagabi. Bandang 7:20 a.m., kinumpirma ng mga user na muli na itong makikita sa tabi ng mapa ng Pilipinas.
Nangyari ito matapos hindi makita ang label sa platform noong nakaraang gabi, na nagdulot ng mga tanong hinggil sa digital na representasyon ng teritoryal na pag-aangkin ng bansa.
Ang label ay tumutukoy sa mga bahagi ng karagatan sa kanlurang bahagi ng kapuluan ng Pilipinas sa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Opisyal itong kinilala noong 2012 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa pamamagitan ng Administrative Order No. 29, na layuning pagtibayin ang soberanyang karapatan ng Pilipinas sa gitna ng lumalawak na presensya ng China sa South China Sea.
Inatasan din ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na isama ang label sa lahat ng opisyal na mapa ng pamahalaan.
Bago pa man ito maibalik ngayong umaga, walang inilabas na opisyal na pahayag ang Google hinggil sa pagkawala ng label. Gayunpaman, sa naunang pahayag ng isang tagapagsalita ng kumpanya, sinabi niyang: “The West Philippine Sea has always been labeled on Google Maps. We recently made this label easier to see at additional zoom levels.”
Sa kabila nito, napansin ng mga user na hindi talaga lumilitaw ang label sa mobile o desktop version ng app maliban na lamang kung ito ay hinanap nang direkta.
Ang panandaliang pagkawala ng label ay nagdulot ng pag-aalala sa social media, at maraming netizen ang nagspekula sa posibleng internal policy shift o panlabas na presyur na nakaapekto sa pagbabago.
Muling nabuhay ang diskurso hinggil sa tensyon sa South China Sea, lalo na’t patuloy ang mga pag-aangkin ng China sa kabila ng 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas.
Bagamat muling lumitaw ang label, ipinakita ng insidenteng ito ang pagiging sensitibo ng mga isyu sa digital cartography at geopolitical representation.