Pagasa: 22 lugar sa bansa makakaranas ng mapanganib na init na aabot sa 44°C
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-14 10:40:22
Mayo 14, 2025 - Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na aabot sa 22 lugar sa bansa ang makakaranas ng mapanganib na antas ng heat index ngayong Miyerkules, Mayo 14, kung saan posibleng umabot sa pagitan ng 42°C hanggang 44°C ang init.
Ayon sa PAGASA, ang heat index na nasa pagitan ng 42°C hanggang 51°C ay itinuturing na “dangerous” o mapanganib, at maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, at maging ng heat stroke kung magtatagal sa init.
Kabilang sa mga lugar na tinatayang may pinakamataas na heat index ay ang Sangley Point sa Cavite City (44°C), San Jose sa Occidental Mindoro (44°C), CBSUA Pili sa Camarines Sur (44°C), Roxas City sa Capiz (44°C), at Butuan City sa Agusan del Norte (44°C). Sa Metro Manila, Iloilo City, Tacloban City, at Coron sa Palawan, inaasahan ang heat index na 42°C hanggang 43°C.
Hinikayat ng PAGASA ang mga residente sa mga apektadong lugar na mag-ingat: uminom ng maraming tubig, umiwas sa direktang sikat ng araw sa kalagitnaan ng araw, at iwasan ang mabibigat na aktibidad sa labas upang makaiwas sa sakit na dulot ng matinding init.
Samantala, inaasahan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorm sa ilang bahagi ng bansa dahil sa easterlies. Kabilang dito ang Southern Leyte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, at Davao Occidental.
Nagpaalala rin ang Department of Health (DOH) sa publiko na magsuot ng preskong kasuotan, uminom ng maraming tubig, at iwasan ang labis na exposure sa init mula 10:00 a.m. hanggang 4:00 p.m. upang maiwasan ang heat stroke.
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang lagay ng panahon at nananawagan sa publiko na manatiling nakaantabay sa mga pinakahuling ulat at abiso.
