ICC prosecutor Karim Khan umatras muna dahil sa alegasyon ng sexual misconduct
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-17 11:11:42
THE HAGUE, Netherlands — Pansamantalang umatras si International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan habang papalapit na sa konklusyon ang isang independent investigation kaugnay ng mga alegasyon ng sexual misconduct laban sa kanya.
Kinumpirma ng ICC nitong Biyernes na si Khan ay “nagbigay ng abiso ng pansamantalang pagliban hanggang sa matapos” ang imbestigasyong isinasagawa ng United Nations Office of Internal Oversight Services (OIOS).
Sa panahon ng kanyang pagliban, ang mga deputy prosecutor ni Khan ang mangangasiwa sa mga operasyon ng Office of the Prosecutor.
Mariing itinanggi ni Khan ang mga paratang, kabilang ang umano’y pamimilit sa isang babaeng aide na pumasok sa isang sexual na relasyon at paghipo sa kanya nang walang pahintulot.
Unang inihayag ang mga alegasyon noong Mayo 2024, matapos maghain ng reklamo ang dalawang empleyado ng ICC sa Independent Oversight Mechanism (IOM) ng korte.
Ikinatuwa ng mga women’s rights group ang naging desisyon ni Khan. Ayon kay Eimear Shine, tagapagsalita ng Women’s Initiatives for Gender Justice:
“In any other professional setting, someone facing such serious allegations would have been expected to step down months ago.”
Binigyang-diin ng ICC na ang imbestigasyon ay isinasagawa nang independyente upang matiyak ang integridad at pagiging patas ng proseso. Ayon kay Danya Chaikel mula sa International Federation for Human Rights,
“The cases and investigations have been carried out by professionals,” at magpapatuloy ang mga ito kahit wala si Khan.
Nangyayari ang imbestigasyon sa gitna ng tumitinding atensyon sa ICC kasunod ng kahilingan ni Khan na maglabas ng arrest warrants laban kina Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, Defense Minister Yoav Gallant, at tatlong lider ng Hamas dahil sa umano’y mga krimeng pandigma.
Image from ICC