Mangingisda, patay matapos atakihin ng buwaya sa Palawan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-16 23:51:30
PALAWAN — Isang 22-anyos na mangingisda ang nasawi matapos atakihin at kaladkarin ng buwaya habang natutulog sa kanyang bangka sa isang mangrove area sa Sitio Marabahay, Barangay Rio Tuba, Bataraza, Palawan.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima bilang si Leonard Casio, residente ng bayan ng Taytay, Palawan. Ayon sa ulat ng Super Radyo Palawan, pumunta si Casio sa Bataraza para mangisda mag-isa at doon niya ipinarada ang kanyang bangka upang magpahinga. Sa mga sandaling natutulog umano ang biktima, doon na naganap ang pag-atake ng buwaya na biglang sumalakay at hinila siya mula sa kanyang bangka patungo sa maburak na bahagi ng bakawan.
Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang kanyang kasamahan, katuwang ang mga tauhan ng Coast Guard Station Southern Palawan, PNP Maritime Group, at mga opisyal ng barangay. Gayunman, nahirapan ang mga otoridad dahil sa taas ng tubig, makapal na bakawan, at panganib ng buwaya na pinaniniwalaang nananatili pa sa lugar.
Makalipas ang ilang oras ng paghahanap, natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng biktima na lumulutang sa tubig. Dinala ito sa barangay center kung saan positibong kinilala ng kanyang mga kaanak, bago inilipat sa isang funeral home sa Brooke’s Point para sa mga kaukulang proseso.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy ang imbestigasyon sa insidente. Samantala, inaasahan na magpapatupad muli ng babala at mas mahigpit na hakbang ang lokal na pamahalaan at mga environmental agency upang maiwasan ang mga ganitong trahedya sa hinaharap.
Ang Palawan, kilala bilang “huling frontier ng kalikasan” ng bansa, ay tahanan din ng mga katutubong uri ng buwaya—isang paalala ng maselang ugnayan sa pagitan ng tao at kalikasan sa rehiyong ito. (Larawan: Google)