9 kontratista, lumutang bilang campaign donors noong Eleksyon 2025
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-16 17:51:28
OKTUBRE 16, 2025 — Sinusuri ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang posibleng paglabag ng siyam na kontratistang sangkot sa mga proyekto ng gobyerno matapos umanong magbigay ng donasyon sa ilang kandidato noong Eleksyon 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, natukoy ng kanilang Political Finance and Affairs Department (PFAD) ang mga kontratistang ito habang binubusisi ang Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs) ng mga tumakbo sa halalan. Bagama’t wala pang kumpirmadong pangalan ng kandidato, tiniyak ni Garcia na may mga contractor na nagpondo sa kampanya.
“More or less nine contractors,” ani Garcia. “Wala pa kaming kino-confirm na kahit sinong candidate.”
Bawal sa ilalim ng Omnibus Election Code ang sinumang may kontrata sa gobyerno na magbigay ng donasyon sa mga kandidato. Nakasaad sa Section 95(c) ng naturang batas na hindi maaaring mag-ambag, direkta man o hindi, ang mga taong may kontrata sa gobyerno para sa anumang partisanong aktibidad.
Bukod sa mga bagong kaso, patuloy ding iniimbestigahan ng Comelec ang kontrobersyal na P30 milyong donasyon ni Lawrence Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Inc., sa kampanya ni Senador Francis Escudero noong Eleksyon 2022.
Naglabas ng show-cause order ang Comelec kay Escudero at kay Lubiano matapos aminin ng huli sa isang pagdinig sa Kamara ang naturang donasyon. Sa kanyang affidavit, iginiit ni Escudero na ang donasyon ay mula sa personal na pondo ni Lubiano.
Inaasahang maglalabas ng rekomendasyon ang PFAD sa loob ng dalawang linggo. Kapag nakumpleto ang beripikasyon, ilalabas ng Comelec ang listahan ng mga contractor na sangkot sa mga donasyon noong Eleksyon 2025.
Ayon kay Garcia, nasa publiko na ang desisyon kung ikukumpara ang mga pangalan sa mga naunang halalan.
“Bahala na ang public na mag-compare kung contractor na nagbigay nung 2022, contractor din ba na nagbigay nitong 2025,” aniya.
Patuloy ang koordinasyon ng Comelec sa Department of Public Works and Highways para sa opisyal na sertipikasyon ng mga kontrata ng mga contractor bago, habang, at pagkatapos ng halalan.
(Larawan: Philippine News Agency)