Antipolo Super Health Center, madaliang binuksan — ilang oras lang bago dumating ang mga bisita!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-16 18:16:41
OKTUBRE 16, 2025 — Nagbukas ang Antipolo Super Health Center ngayong linggo matapos ang mahigit isang taon ng pagkaantala — ilang oras bago dumating si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa sa pasilidad nitong Huwebes, Oktubre 16.
Ayon sa DOH, kumpleto na ang pasilidad mula pa Hulyo 2024, matapos ang dalawang yugto ng konstruksyon na pinondohan ng kabuuang ₱11.4 milyon mula sa ahensya. Ang unang bahagi ay natapos noong Oktubre 2023 (₱6.4 milyon), habang ang ikalawa ay natapos nitong Hulyo (₱4.9 milyon). Bukod pa rito, nakatanggap ang lokal na pamahalaan ng Antipolo ng ₱7 milyon halaga ng medical equipment noong 2022 at 2023.
Sa kabila ng kumpletong pasilidad at kagamitan, nanatiling sarado ang health center hanggang ngayong linggo.
Ayon sa DOH, “The facility only began operating after confirmation of Secretary Herbosa’s visit with media.”
(Nagsimula lang mag-operate ang pasilidad matapos makumpirma ang pagbisita ni Secretary Herbosa kasama ang media.)
Dahil dito, nagsimula ang DOH ng mas malawak na imbestigasyon sa mga hindi nagagamit na Super Health Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Layunin ng mga pasilidad na ito na palawakin ang access sa pangunahing serbisyong medikal sa mga komunidad.
Binanggit ng DOH na ang karaniwang halaga para sa isang medium-sized Super Health Center ay nasa ₱12 milyon, na dapat ay sapat na upang agad itong magsilbi sa publiko matapos ang konstruksyon.
“We expect LGUs to activate completed facilities without delay,” ayon sa ahensya.
(Inaasahan naming agad na paganahin ng mga LGU ang mga natapos na pasilidad.)
Hindi pa malinaw kung bakit naantala ang pagbubukas ng Antipolo center, ngunit binigyang-diin ng DOH na sisiyasatin nila ang paggamit ng pondo at ang responsibilidad ng mga lokal na opisyal.
“We are reviewing the utilization of public health funds to ensure accountability,” pahayag ng DOH.
(Sinusuri namin ang paggamit ng pondo para sa kalusugan upang matiyak ang pananagutan.)
Sa ngayon, inaasahan ng DOH na ang pagbubunyag ng insidenteng ito ay magtutulak sa mga LGU na kumilos at buksan ang mga matagal nang natapos na mga pasilidad para sa kapakanan ng mamamayan.
(Larawan: Facebook)