Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH Sec. Dizon, nagbabala sa mga Discaya sa kanilang pagurong sa ICI probe: 'pasensiyahan tayo'

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-16 14:04:28 DPWH Sec. Dizon, nagbabala sa mga Discaya sa kanilang pagurong sa ICI probe: 'pasensiyahan tayo'

OKTUBRE 16, 2025 — Nagbabala si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mag-asawang Pacifico at Sarah Discaya matapos nilang iurong ang pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa mga flood-control project na umano’y sablay, hindi natapos, o hindi talaga naisakatuparan.

“Kailangang mag-cooperate sila. Kung hindi sila mag-cooperate, pasensiyahan tayo. Ganon lang kasimple yun,” ani Dizon. 

Ayon sa ICI, kabilang ang mga kumpanya ng mga Discaya sa 15 pinakamalalaking nakakuha ng kontrata para sa flood-control projects. Ngunit nitong Oktubre 15, ipinaalam ng kanilang abogado sa komisyon na hindi na sila makikilahok sa imbestigasyon. Inasahan umano ng mag-asawa na irerekomenda silang maging state witness kapalit ng kooperasyon.

“Basically, they explained that, they were thinking that when they cooperate before the ICI, they will be getting a favorable recommendation from the commission as state witness[es],” pahayag ni ICI Executive Director Brian Hosaka. 

(Sa madaling salita, akala nila kapag nakipagtulungan sila sa ICI, irerekomenda silang maging state witness.)

Sa Asset Recovery Meeting ng ICI, lumutang ang galit ng mga opisyal sa umano’y sistematikong paglustay ng pondo. 

“We are all enraged and betrayed by what was done to deliberately manipulate our finance and only to feed the greed of not a few government officials,” ani ICI Chair Andres Reyes Jr. 

(Nagalit at nadismaya kami sa sinadyang pagmaniobra sa pondo ng bayan para lang sa kasakiman ng ilang opisyal.)

Lumutang din ang posibleng koneksyon ng Discaya sa CLTG Builders, kumpanyang pag-aari ng ama ni Sen. Bong Go. Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, may mga kontrata ang CLTG sa mga kumpanya ng Discaya sa Davao Region noong 2017.

“Ang assessment ko personally sa nakita ko kay Curlee Discaya, hustler siya talaga. Marami silang pinoprotektahan. Looks like Sen. Bong Go is being protected (Mukhang pinoprotektahan si Sen. Bong Go),” ani Remulla. 

Dagdag pa ni Remulla, hindi makakamit ng mga Discaya ang blanket immunity dahil sa bigat ng mga kasong kinakaharap — mula sa tax evasion hanggang plunder. 

“Hindi naman tama na bibigyan sila ng immunity hanggang sa tax evasion,” aniya. 

Sa kabila ng mga pahayag, nananatiling tahimik ang kampo ng mga Discaya.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)