176 nailigtas mula Myanmar, pero marami pa ang nakakulong—DMW
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-19 09:54:00
Mayo 19, 2025 — Sa kabila ng nagpapatuloy na mga rescue operation, nananatiling bihag ang ilang dosenang Pilipino sa mga scam compound sa Myanmar kung saan sila’y pinipilit magtrabaho sa ilalim ng mapang-abusong kondisyon.
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na bagamat 12 Pilipino ang na-repatriate noong Pebrero 19, 2025, marami pa ang hawak ng mga sindikatong kriminal sa rehiyon.
Na-recruit umano ang mga biktima sa pamamagitan ng mga pekeng job offers sa Facebook, na nag-aalok ng trabaho bilang customer service representatives. Ngunit pagdating sa Myanmar, pinilit silang gumawa ng mga online fraud schemes.
Ayon sa mga nakaligtas, dumanas sila ng pisikal na pananakit, kabilang ang pambubugbog gamit ang PVC sticks, electric shocks, at pinapaupo ng paluhod ng maraming oras bilang parusa. Ang mga nagtangkang tumakas ay hinihingan ng $15,000 bilang bayad sa pagpapalaya.
Nakikipagtulungan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga awtoridad ng Myanmar at Thailand upang mapabilis ang repatriation.
Noong Marso 26, 2025, matagumpay na naibalik sa Pilipinas ang 176 Pilipino mula sa mga illegal scam center sa Myawaddy, Myanmar, matapos ang negosasyon ng DFA sa lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ni DFA Undersecretary Eduardo José A. de Vega ang pagtutok ng gobyerno sa kapakanan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
“The Philippine government is unwavering in its commitment to protecting Filipinos abroad. This successful operation reaffirms the country as the gold standard in migration protection mechanisms,” pahayag ni De Vega.
Samantala, nananawagan ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho na maging maingat sa mga kahina-hinalang online job offers, dahil patuloy umanong ginagamit ng trafficking syndicates ang social media para makapangbiktima.
