₱200 dagdag-sahod aprubado na sa Kamara
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-04 18:27:02
Hunyo 4, 2025 — Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang batas na nagbibigay ng ₱200 dagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Ang panukala, na kilala bilang House Bill No. 11376, ay pumasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa botong 171 pabor, isa laban, at walang abstention.
Binigyang-diin ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ng Gabriela party-list na ito ang kauna-unahang legislated wage hike sa loob ng 36 na taon. "Bagama't kapos ang ₱200 na umento para abutin ang nakabubuhay na sahod, signipikanteng hakbang na ang pagpasa nito para iusad ang usapin ng sahod sa bulwagang ito," ayon kay Brosas, na aminadong hindi pa rin sapat ang pagtaas upang matugunan ang living wage standards.
Saklaw ng panukala ang lahat ng minimum wage workers sa pribadong sektor, anuman ang employment status, kabilang ang mga nasa contractual at sub-contractual arrangements. Gayunman, maaaring humingi ng exemption ang maliliit na negosyo, partikular ang mga retail o service establishments na may mas mababa sa 10 empleyado at mga negosyong naapektuhan ng natural o human-induced na kalamidad.
Ang House version ng wage hike ay doble kumpara sa ₱100 increase na inaprubahan ng Senado, kaya kinakailangan pa ng bicameral conference committee upang pag-isahin ang bersyon bago ito maisumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para lagdaan.
Wala namang katiyakan si Speaker Martin Romualdez kung maisasabatas ito bago mag-adjourn ang ika-19 na Kongreso. "We’ll see," ani Romualdez, sabay sabing ipauubaya ang proseso sa mga deliberasyon. Samantala, patuloy ang panawagan ng mga labor group para sa agarang pagpasa ng panukala, iginiit nilang kailangan ang dagdag-sahod upang matulungan ang mga manggagawa sa harap ng tumataas na gastusin.
Kapag naging batas, itataas nito ang daily minimum wage sa Metro Manila sa ₱845 mula sa kasalukuyang ₱645. Sa ibang rehiyon, maglalaro ang sahod sa pagitan ng ₱560 hanggang ₱760. Gayunpaman, nagbabala ang mga economic analyst na kahit may umento, maaari pa ring hindi nito maabot ang tinatayang family living wage na higit sa ₱1,200 kada araw.
Itinuturing ang pagpasa ng panukala bilang isang makasaysayang hakbang sa labor legislation, ngunit nananatiling hindi tiyak ang kinabukasan nito habang naghahabol ang mga mambabatas bago ang adjournment ng Kongreso.