Kakulangan sa pondo ng free college education, binigyang-diin ni Legarda
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-26 22:57:01
Setyembre 26, 2025 – Iginiit ni Senator Loren Legarda na kailangang ganap na pondohan ng pamahalaan ang programang libreng kolehiyo alinsunod sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931). Ayon kay Legarda, hindi maaaring “opsyonal” ang pagpapatupad ng batas dahil malinaw na nakasaad dito na dapat may sapat na pondo para sa lahat ng kwalipikadong estudyante sa mga state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs), at mga state-run technical-vocational institutions (TVIs).
Sa deliberasyon ng panukalang pambansang badyet para sa 2026, binigyang-diin ng senadora na may naiwang ₱12.3 bilyong shortfall mula 2022 hanggang 2025 dahil umano sa pagkakamali ng Department of Budget and Management (DBM). Aniya, ginamit ng DBM ang aktuwal na bilang ng mga nag-enroll imbes na ang inaasahang dami ng estudyanteng papasok sa kolehiyo, gaya ng nakasaad sa batas.
“Kung hindi ito mapupunan, maraming kabataang Pilipino ang mawawalan ng pagkakataon para makapag-aral sa kolehiyo nang libre,” babala ni Legarda.
Upang masolusyunan ang kakulangan, iminungkahi ng senadora na gamitin ang ₱7.82 bilyon mula sa Higher Education Development Fund ng Commission on Higher Education (CHED) at karagdagang ₱4.49 bilyon mula sa iba pang congressional sources. Layunin nito na tuluyang mapunan ang kakulangan at matiyak na walang estudyanteng mawawalan ng slot sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad dahil lamang sa limitadong pondo.
Binanggit din ni Legarda na sa kasalukuyan, maraming SUCs ang napipilitang bawasan ang bilang ng mga estudyanteng tinatanggap dahil sa kulang na alokasyon. Binigyang-diin niya na ang ganitong sitwasyon ay direktang sumasalungat sa diwa ng batas na naglalayong gawing abot-kamay ang mataas na edukasyon para sa lahat ng Pilipino.
Kasabay nito, nanawagan ang senadora ng mas mahigpit na transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng mga SUCs upang masiguro na ang pondo ay direktang nakikinabang ang mga estudyante.
Ang RA 10931 ay naipasa noong 2017 at nagbibigay ng libreng tuition at exemption sa miscellaneous fees para sa mga estudyante sa SUCs, LUCs, at mga state-run TVIs. Isa si Legarda sa mga pangunahing nagsulong ng batas at patuloy na nagbabantay sa ganap nitong pagpapatupad.
Sa gitna ng mga deliberasyon, umaasa si Legarda na matutugunan ang kakulangan at mapapatunayan ng pamahalaan ang tunay na commitment nito sa edukasyon bilang “great equalizer” para sa mga Pilipino.